Biyuda nais muling mag-asawa

Dear Dr. Love,

Sana’y matulungan mo ako sa aking problema sa pag-ibig. Tawagin mo na lang akong Nitz, 60 years old.

Sa kabila ng pagiging senior citizen, ma­ganda pa rin ako at sabi nila mukhang 40 years old lang.

Biyuda na ako at ang mga anak ko’y malalaki na at may kani-kaniya nang buhay.

Mayroon akong boyfriend. Isa rin siyang biyudo na 55-anyos. Businessman siya at katulad ko, may sarili nang daigdig ang mga anak.

Nais naming lumagay na sa tahimik pero wala sa mga anak ko ang nakakaalam ng aking relasyon. Noon, madalas akong paringgan ng mga anak ko na huwag kong ipagpapalit ang kanilang amang namatay.

Pero di ba entitled din ako na lumigaya sa nalalabing ilang taon ng buhay ko. Paano kung tutulan nila ang balak namin ng boyfriend ko?

Tulungan mo ako.

Nitz

Dear Nitz,

Ang obligasyon mo lang ay ipabatid sa kanila ang balak mo pero hindi para hingin ang kanilang approval. Wala na silang pakialam sa buhay mo dahil tulad ng sinabi mo, may karapatan kang lumigaya.

Kung inaakala mong liligaya ka sa piling ng kasintahan mo ngayon, go for it. Hindi kasalanan iyan sa Diyos.

Dr. Love

Show comments