Hindi ko po akalain na may katotohanan na sa kabila ng magandang samahan ay magkakaroon ng panlalamig sa pagitan ng mag-asawa.
Ganito po kasi ang kinahinatnan ng relasyon namin ni Fernando. Unang nawala ang presensiya naming dalawa na magkasama sa mga lakaran, kasunod ang komunikasyon hanggang sa hindi na namin maitago sa aming dalawang anak ang panlalamig sa isa’t isa.
Nag-umpisa ito nang mabisto ko na ipinagpalit ako ng aking asawa sa isang 20 anyos na agogo dancer. Hindi na nakatanggi ang aking asawa nang mismong mahuli ko ang araw ng pagsilang ng kanilang anak na lalaki. Nagkataon na nag-deliver ako ng gamot noon bilang med. rep.
Hindi ko na magawang sumiping sa aking asawa. Nagkausap na kami dito. Nag-sorry siya at sinabing gagawa ng paraan para mahiwalayan ang kabet niya. Pero nitong huli ay nagpadestino siya sa Cebu, sa lugar ng babae. Parang sampal sa mukha ko ang katotohanan na pinili niya ang kabet niya, Dr. Love.
Pinalaya ko siya dahil wala na akong tiwala at respeto sa kanya. Paminsan-minsan dinadalaw niya ang aming anak. Pero masama na ang loob sa kanya ng mga bata dahil nalaman na nila ang lahat. Binura ko na rin sa gunita ko na ako ay mayroong asawa. Hindi ko na siya inaasahang magbabalik pa. Ang panalangin ko na lang, mapatapos ko ang dalawa naming anak at saka ko na iisipin ang pangsariling kapakanan.
Maraming salamat po at mabuhay kayo sa misyon ninyong ginagampanan para makatulong sa tulad ko.
Gumagalang,
Fraida
Dear Fraida,
Sadyang may pangyayari sa buhay na hindi inaasahan. At ang tanging paraan para makalaya sa sakit ay ang pagtanggap sa katotohanan at pagpapatawad kasama ang Maykapal.
Bagaman, masaklap na kabiguan ang sinapit mo sa iyong mister, hindi dapat tumigil ang mundo mo dito. Sa halip, gamitin mong kalakasan ang pait nito para mas maging matatag para sa iyong mga anak.
Naniniwala ako na may hangganan ang lahat. Manatili kang manalig sa Diyos at ipagkatiwala ang buhay ninyong mag-iina sa Kanya. Sikapin mo rin maipanalangin ang iyong asawa, na hindi niya sapitin ang masaklap na pagsisisi sa buhay dahil sa ginawa niya sa inyong mag-iina.
Hangad ko ang kaligayahan mo sa kabila ng lahat. God bless you!
Dr. Love