Dear Dr. Love,
Dati po akong isang kasambahay ng isang middle-income family na mayroong dalawang anak na dalagita. Hindi naman masyadong mahirap ang trabaho ko dahil ang amo kong babae ay palaging wala sa bahay. Isa siyang guro sa unibersidad at ang dalawang anak na babae ay kapwa nag-aaral.
Noong unang salta ko sa kanilang bahay, wala ang aking among lalaki dahil isa siyang inhenyerong nagtatrabaho sa ibang bansa. Wala akong problema at ang trato sa akin ay halos miyembro na ng pamilya.
Nagulo ang buhay ko nang dumating at magbakasyon sa Pinas ang amo kong lalaki. Nagkaroon siya ng interest sa akin. Nagmimistulan kaming mag-asawa kapag wala sa bahay ang tatlong mag-iina. Kapalit ng mga pagbibigay ko sa kanya ay ang mga regalong alahas, damit at iba pang luho pati na ang pera.
Bago pa siya bumalik sa abroad ay nahulog nang ganap ang loob ko sa kanya. Ang sabi niya sa akin sa muling pag-uwi niya, ibabahay na niya ako at kaming dalawa na ang magsasama. Pero hindi na ito matutupad dahil inatake siya, naparalisa at nagkaproblema sa memorya. Blood cloth daw. Sinundo siya ni misis pabalik sa Pilipinas.
Minabuti kong magpaalam na sa aking among babae sa takot na mabulgar ang lumalaki ko nang tiyan. Umuwi ako sa aming probinsiya. Hindi ko ipinagtapat sa aking mga magulang kung sino ang ama ng dinadala kong sanggol. Sinabi kong may asawa ang lalaking nakadisgrasya sa akin at tinakbuhan na ako.
Ano po ang maipapayo ninyo sa akin? Wala na akong alam na gagawin kung ano na ang hinaharap ko ngayon.
Maraming salamat po at more power to you.
Celia ng Negros Occidental
Dear Celia,
Sana natutunan mo ang leksiyon sa pagiging kabet. Kailan man hindi liligaya ang pang-aagaw ng asawa ng iba at manira ng isang pamilya. Nakita mo tuloy ang hanap mo. Puwede kayong kasuhang dalawa ng asawa niya at patunay dito ang dinadala mong sanggol.
Pero hindi pa naman huli ang magsisi at magpakabuti. Pagsikapan mong ituwid ang buhay mo. Puwede kang magtapat sa pamilya niya at ihingi ng sustento ang iyong anak. Mahabang proseso iyan at kailangan mo ang tulong na legal.
Dr. Love