Dear Dr. Love,
Masaganang bagong taon sa iyo at sa iyong pamilya. Tawagin mo na lang akong Rosiel, isang ginang na 47 anyos.
Ang problema ko ay tungkol sa aking anak na babae na ako lang halos ang mag-isang nagpalaki dahil maliit pa lang siya ay namatay na ang aking asawa.
Mayroon siyang boyfriend na ayaw ko ang ugali dahil may kayabangan. Kesyo mayaman daw sila, isang negosyante ang tatay niya. Pero nalaman ko sa isang kaibigan na isang karaniwang empleyado lang sa gobyerno ang tatay niya.
Pinagsabihan ko na ang anak ko na hiwalayan ang boyfriend niyang hambog pero nagte-tengang kawali at ayaw makinig sa pangaral.
Ano ang gagawin ko para mahiwalay ang anak ko sa ganitong lalaki?
Rosiel
Dear Rosiel,
Tayong mga magulang ay hindi uubrang sumaklaw sa damdamin ng ating mga anak. Puwedeng pangaralan ang anak pero karapatan niya na sumunod o hindi lalo pa’t nasa wasto na siyang gulang.
Kaya kung ayaw mo talaga sa lalaking kasintahan ng iyong anak, manalangin ka na lang na magbago siya ng isip o may dumating na lalaking mas matino na iibigin niya.
Dr. Love