Dear Dr. Love,
Happy holidays!
Hindi ko po alam kung kaya ko pang magsaya ngayong Pasko at Bagong Taon.
Ang dahilan po, nagkaroon ng isang malaking problema sa aming pamilya nang maloko ang aming nanay sa isang lalaki na kalahati ng kanyang edad na 60 anyos.
Alam kong anak lang ako ng aking ina, hiwalay siya sa tunay kong ama at biyuda naman sa ikalawang lalaking kanyang pinakasalan matapos mapa-annul ang kasal niya sa tatay.
Apat kaming magkakapatid, dalawa sa una at dalawa rin sa yumao kong stepfather.
Alam kong hindi naging maganda ang pagsasama ng aking ina at ng tunay kong ama dahil sa iniwanan kami ng aking tatay matapos niyang laspagin ang kita ng kanilang conjugal business dahil sa sugal. Nang dapa na ang negosyo, nangibang bansa siya at doon na nag-asawa uli.
Katulong ako ng aking ina sa muling pagbangon ng aming business. Nang makilala ng aking ina ang aking stepfather, katulong rin niya ito sa pagpapalago ng hardware store. Naging mabuti naman sa amin ang stepfather ko, dangan nga lang at maaga siyang yumao.
Bilang nakatatandang kapatid, ako ang pinag katiwalaan ng aking ina sa family business. Pero nang makilala niya ang pangatlong lalaki sa buhay niya, parang nag-astang teenager ang aking ina. Bagaman alam kong may karapatan siyang lumigaya hindi naman sa lalaking kasing edad ko lang na halata namang pera lang niya ang habol.
Napikon na ako sa lalaking ito nang magsimula na siyang maglagi sa aming hardware store at parang gustong manghimasok sa pagpapatakbo ng negosyo. Nang pansinin ko ito, kinagalitan ako ng aking ina. Huwag ko raw bastusin ang lover niya.
Maging ang isa ko pang kapatid sa ina na tumutulong din sa negosyo ay pinauwi na ni nanay sa probinsiya para daw tumao sa aming bahay doon. Makabubuti na rin daw na bumukod na ako ng bahay dahil mayroon na akong pamilya. Parang hulog na hulog na ang loob ng aking ina sa lalaking iyon na anak lang niyang maituturing.
Ano po kaya ang mabuti kong gawin para hindi ganap na maloko ang aking ina at malagay uli sa peligro ang aming pinagkakakitaan dahil lahat ng luho sa katawan ay ibinibigay niya sa bago niyang lalaki.
Payuhan mo po ako.
Gumagalang,
Dondon
Dear Dondon,
Tama ka na may karapatang lumigaya ang inyong ina. Pero bilang anak may karapatan din kayo na protektahan siya sa ano man na maaari niyang ikapahamak. Kausapin mo uli ang iyong nanay at ipaliwanag sa kanya ang pangamba ninyong magkakapatid tungkol sa kanyang lover. Tanungin mo siya kung anong balak nila ng kanyang lover, magpapakasal ba sila?
Kung oo, subukan mo ang isang prenuptial agreement kung saan kabilang sa mapagkakasunduan ay hindi magkakaroon ng parte ang lover sa inyong family business. Kung pumayag siya, maaaring walang basehan ang inyong pangamba, pero kung hindi malinaw na nagsisilbing sugar mommy niya lang ang inyong ina. Posibleng kapag nalaman ito ng inyong nanay ay maaaring magbago ang kanyang isip tungkol sa batang lover niya.
Dr. Love