Dear Dr. Love,
Ako po ay isang tagasubaybay ng inyong column, sumulat po ako para makahingi ng payo sa inyo. Ako ay nagpakasal sa boyfriend ko mahigit dalawang taon na ang nakakalipas ngunit ang kasal ay hindi ginanap sa harap ng abogado at ako ay pinapirma lang niya sa papel.
Noong nakaraang July tiningnan ko sa NSO kung naka-register ang kasal namin. Doon ko natuklasan na walang record ang aming kasal. Ngayon nakipaghiwalay ako sa kanya. Kung sakali po ba na magkaroon ako ng bagong pag-ibig at magpakasal ako sa iba, may karapatan ba siyang magdemanda?
Wala kaming anak at hindi kami nagsasama sa isang bahay. Sana mapayuhan ninyo po ako.
Mercy
Dear Mercy,
Haayy! Wala ka pang kamuwang-muwang sa buhay. Peke ang kasal mo. Niloko ka ng boyfriend mo.
Sino ba ang nagkasal sa inyong dalawa two years ago? Ang tanging puwedeng magkasal ay mga pari, pastor, mayor o kahit kapitan ng barko na may lisensyang magkasal.
Bago ikasal ang magkasintahan, kumukuha muna ng lisensya sa munisipyo at dumaraan pa sa seminar. Ginagawa iyan sa ano mang uri ng wedding, civil man o sa simbahan.
Komo hindi kayo nagsama ng napangasawa mo “kuno” at walang bisa ang kasal mo dahil hindi naman nairehistro sa NSO, single ka pang maituturing at di ka puwedeng ihabla kahit magpakasal ka sa iba.
Dr. Love