Dear Dr. Love,
Magandang araw po sa inyo at sa lahat ng tagasubaybay sa inyong column.
Kasalukuyan akong nakikitira sa bahay ng aking anak at apo sa Quezon. Labindalawang taon na po akong biyudo. Ang problema ko po ay nagkakagusto ako sa isang 17-anyos. Kapitbahay po siya ng aking anak.
Una napapansin ko lang na madalas siyang nakatingin sa akin. At sa tuwing ako ang nagbabantay sa tindahan ng aking anak ay tila sinasadya niyang magpa-charming. Type ko po siya pero pinipilit kong umiwas dahil mukhang hindi tama na magkagusto ako sa kanya. Pero siya ang gumagawa ng paraan para magkausap kami. May limang buwan na kaming magkakilala ng dalagitang ito. At naramdaman kong tuluyan nang nahulog ang loob ko sa kanya. Napansin ng aking anak ang pagkakagusto ko sa babaeng ito. Kaya pinagsabihan niya ako na iwasan ko siya at maghanap ako ng kasing-edad ko.
Ano po ang magagawa ko? Mahilig ako sa maputi at maganda. Pero dumating ang araw na iniwasan na ako ng crush ko. Tuwing Sabado at Linggo ko lang siya nakikita dahil pumapasok siya sa state university ng Quezon.
Lately, mayroon na siyang kaibigang lalaki na dinadala pa niya sa tindahan ng anak ko. Magkausap sila. Ang sabi ng anak ko, magsiyota raw ang dalawa. Sa isip ko lang parang pinagseselos lang ako ng babaeng iyon. Tama po ba ang hinala ko? Payuhan mo po ako. Ito bang nararamdaman ko ay tunay na pag-ibig o isa lang tawag ng laman o lust dahil matagal nang yumao ang aking asawa.
Maraming salamat po at hihintayin ko ang kasagutan ninyo sa aking problema.
Ramon ng Quezon Province
Dear Mang Ramon,
Maaaring tama ka na nangungulila ka lamang sa iyong yumaong may bahay kaya madali kang ma-attract sa babae na may kaparehong katangian niya. Pero mas mabuting pakinggan mo ang iyong anak, kasing-edad mo ang iyong hanapin. Dahil bagaman may kasabihan na age doesn’t matter, posible na ang maging sitwasyon ninyo ng dalagita, pero conflict dahil sa malaking agwat ng inyong edad.
Hindi naman mali ang humanga pero ang magpatangay ng higit pa dito ay maaaring magdulot ng problema o mas masama ay kahihiyan sa iyo, sa iyong anak at sa pamilya niya. Lalo pa at hinala mo lamang na may pagtingin din siya sa iyo. Kalimutan mo na ang dalagita at ituon sa higit na kapakinabangan ang iyong atensiyon.
Dr. Love