Dahil sa First Love

Dear Dr. Love,

Una sa lahat, tanggapin po ninyo ang aking masaganang pangungumusta.

Taga-Cagayan Valley po ako at 25 taong gulang. Sumulat po ako sa patok ninyong column para maibahagi ko ang malungkot kong karanasan sa pag-ibig. Naranasan ko ang first love noong high school, sa yugto rin na ito ng aking buhay natapos ang relasyon namin ni Angel. Dahil ipinadala siya sa Maynila ng kanyang mga magulang para mag-kolehiyo.

Bagaman walang katiyakan kung makakapag-kolehiyo rin ako, lumuwas din ako para sundan si Angel. Balak ko mag-part time job para makatuntong sa kolehiyo. Pero hindi madali dahil wala akong karanasan at mataas na educational attainment.

Matinding kagipitan ang nag-udyok sa akin para umayon sa alok ng mga bagong kakilala. Natuto ako mang-hold-up at iba pang masasamang aktibidad para magkakuwarta. Natuto rin akong mag-droga. Ang mga ito ang tuluyan naglayo sa amin ni Angel. Kinalasan niya ako nang malaman niya ang tungkol sa pinasok ko. Nawalan na ng direksiyon ang buhay ko. Nadakip at bilanggo ngayon.

Binubuno ko na lang ang nalalabing mga taon ng aking sentensiya at sana paglabas ko sa piitan muling makabangon ako sa kinasadlakang burak.

Maraming salamat po at patnubayan kayo lagi ng Maykapal.

Leo Guerrero

Camp Sampaguita

Muntinlupa City 1776

 

Dear Leo,

Hindi laging madali ang pagtatamo ng ta­gum­pay sa hinahangad na pag-ahon sa hirap kung hindi nakahanda ang loob ng isang tao, na magtiyaga na makamit ito.

Huwag lang mawalan ng pag-asa, maaabot mo rin ang minimithi sa buhay sa sandaling matanggap mo na ang katotohanang hindi lang suwerte ang daan sa pag-ahon sa hirap kundi pagsisikap, pagtahak sa tuwid na landas at paniniwala sa Maykapal.

Dr. Love

Show comments