Dear Dr. Love,
Isang mainit na pagbati ang nais kong ipaabot sa inyo at dalangin kong patuloy kayong pangalagaan ng ating Panginoong Maykapal sa lahat na uri ng karamdaman at mga taong mapag-imbot.
Tubong Ilocos Norte ako at kasalukuyang nakapiit sa pambansang bilangguan.
Sumulat ako para maibahagi ang karanasan ko at kapulutan ito ng aral. Sana rin ay may magkainteres na makipagkaibigan sa akin sa panulat.
Kulungan ang kinahantungan ko nang magwala matapos malaman na ipinakasal na sa iba ang aking mahal na nobya, si Lyn.
Una siyang inilayo sa akin. Dinala siya at pinatira sa kanyang tiyahin sa Valenzuela. Sinundan ko siya dito makalipas ang anim na buwan at doon ko nga nalaman ang lahat.
Hindi ko na nakontrol ang aking sarili hanggang sa namalayan ko na lang na dinampot na ako at ikinulong nang makapatay.
Ngayon ko nadama ang takot sa pag iisa. Kaya tulungan ninyo akong magkaroon ng mga kaibigan na makapagpapalakas ng aking loob at magtuturo sa akin sa tamang landas ng pagbabago.
Maraming salamat po at alam kong hindi ninyo ipagkakait ang kahilingan kong ito.
Lubos na gumagalang,
FelipeVallesteros
Student Dorm 232
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Felipe,
Nakalulungkot na dahil sa pagwawala mo, nakalimot ka sa tama at nakagawa ng krimen. Pero ang mahalaga ngayon, na-realize mo na ito at pinagsisisihan. Sana maging matatag ka na sa mga pagsubok na dumarating sa buhay mo.
Pagbutihin mo ang rehabilitasyong pinagdaraanan para makabalik kang muli sa malayang lipunan. Huwag kang mawawalan ng pag-asa na balang araw matutupad mo ang iyong mga pangarap.
Dr. Love