Dear Dr. Love,
Nais ko pong iparating sa inyo na sa dalawang pagkakataon, napuna ng ilang kamag-anak ko at kaibigan na may sumulat sa inyo na gamit ang aking pangalan gayung sa totoo lang po, ni minsan ay hindi ako sumulat sa inyo.
Ang masakit po ay hindi maganda at mapanirang-puri ang inilahad na kasaysayan na malaking kasinungalingan at kailan ma’y hindi totoo sa aking buhay.
Umaasa po ako na mailalathala ang sulat kong ito upang maituwid ang mga maling naisulat tungkol sa akin na nakakahiya at nakasisira ng dangal.
I expect action from you as soon as possible because these articles have affected my personal life as well as my work as a teacher.
Salamat po sa maagap ninyong pag-aksyon.
Jowan Zomil
Dear Jowan,
Nakapaglathala na kami ng pagtutuwid bilang footnote sa isa naming artikulo kamakailan na ipinadala ko pa sa iyo sa email mula sa aming web site sa Philstar.com.
Gayunman, ako na rin ang nagpasyang ilathala muli ito dahil ngayong nalaman ko na may ibang taong gumamit ng iyong pangalan at naglahad ng kasaysayang kathang isip at ‘di totoo, dapat lang talagang malaman ng mga nakabasa na hindi totoo ang natunghayan nila.
Nananawagan din kami sa taong gumawa noon na sana’y makonsensya at isipin ang kapakanan ng isang taong sinisira nila.
Muli, ang aming paghingi ng paumanhin.
Dr. Love