Dear Dr. Love,
Una sa lahat, isang taos pusong pagbati sa inyo ng isang magandang araw. Ganoon din sa lahat ninyong kasamahan sa pasulatang PSN.
Matagal ko na rin balak na sumulat sa inyo para makapaglahad ng aking karanasan sa pag-ibig. Ngayon ko lang po nasumpungan ang sarili na lumiham sa malaganap ninyong column.
Tulad ng mga nagsisulat na sa inyo, ako man ay nagnanais na magkaroon ng bagong pag-asa sa buhay sa pamamagitan ng makabuluhan ninyong payo.
Ako po si Christian Zaldo, 32 years old at binatang binata pa. Hindi po naman sa wala akong naging kasintahan.
Mayroon na rin po akong mga naging girlfriends noon pero lahat sila kinalasan ako matapos maibigay ko ang lahat nilang hinihinging pangangailangan. Siguro po, masyado akong mabait sa kanila kaya ginogoyo lang nila ako.
Magkagayunman, buo pa rin ang paniniwala ko na balang araw makakatagpo rin ako ng babaeng tunay na magmamahal sa akin. Mayroon po akong nabasa sa inyong pitak at nais ko pong maging kaibigan siya sa panulat.
Ito po ay may pamagat na Para sa Kapatid at ang pangalan niya ay Izza. Iyon pong kapatid niya ang nais kong makilala sa pamamagitan ng penpal. Sana po, mabasa niya ang liham ko at sulatan niya ako.
Asahan po niya na magiging masipag ako sa pakikipagpalitan ng komunikasyon at hindi ko siya lolokohin. Maraming salamat po at sana matulungan ninyo ako.
Gumagalang,
Christian N. Zaldo
c/o BJMP San Isidro,
Daet Camarines Norte
Dear Christian,
Salamat naman at sa kabila ng pagtalikod ng mga dati mong nobya, hindi pa rin nawawala ang tiwala mo sa kababaihan. Marahil, hindi mo pa lang natatagpuan ang babaeng para sa iyo.
Sa susunod kilatisin mo ng mabuti ang babaeng liligawan at huwag mong pamihasain sa regalo. Ang pag-ibig ay hindi one-sided. Kailangan ito’y bigayan.
Sana mabasa ito ng babaeng nais mong makilala dahil ang liham niya ay walang address kung kaya’t ipagpaumanhin mo na hindi namin maibibigay sa iyo ang impormasyong nais mo.
Dr. Love