Dear Dr. Love,
Isa po akong biyuda na retirado na sa pinapasukan kong ahensiya ng gobyerno. Wala na po akong ibang pinagkukunan ng araw-araw na gastos sa bahay, pagkain at maintenance na gamot sa sakit na alta presyon kundi ang maliit na pensiyon.
Ang problema ko Dr. Love, ang aking apat na anak na pawang lalaki. Tatlo sa kanila ang may asawa na at anak, at ang bunso ko na 30 anyos na ay sa akin pa rin nakatira dahil siya na lang ang natitirang binata.
Kaya lang, kahit na nakatapos siya ng kolehiyo, walang matagalang trabaho. Maraming reklamo at mas mabuti pa sa kanya na magtambay kaysa magtiyaga sa empleyong natatagpuan na mababa ang sahod.
Ang tatlo naman, bagaman hiwalay na sa akin, wala nang ginawa kundi manghingi rin ng pera porke, kulang ang kanilang sahod sa gastusin sa pagpapaaral ng anak, pagpapagamot kung maysakit ang baby at iba pang samo’t saring gastusin.
Nasanay sila noong nabubuhay pa ang kanilang ama na mayroon pang suporta galing sa amin. Pero iba na ngayon. Wala namang naiwanang salapi ang mister ko nang mamatay dahil napuntang lahat sa pagpapagamot niya sa sakit na cancer of the liver.
Mayroon akong kapatid na nakatatanda na isang retirado sa US na siyang sinusulatan ko para manghingi ng kaunti para sa gastusin sa pagbili ng aking gamot at medical check up. Pero umaalma na rin ito dahil pati mga anak ko, natuto na ring manghingi sa kanya.
Hindi ko po alam kung saan ako nagkamali. Kung sa pagpapalayaw sa aking mga anak o dahil sa pagiging bukas-palad ko sa ibang mga kapatid noong panahong maluwag pa kami sa pera noong buhay pa ang aking asawa. Ngayong sa aking kakapusan, damdam ko na pinagdadamutan nila ako.
Payuhan mo po ako. Hindi ko na po talaga kaya ang dinadala kong pasanin sa aking mga anak na kung bansagan ng mga kapatid ko, mga tamad at spoiled brat.
Maraming salamat po at more power to you.
Aurora dela Pena
Fairview, Quezon City
Dear Aurora,
Ikaw na rin ang nagsabi na pinalaki mo sa layaw ang mga anak kung kaya’t namihasa sila sa palaging panghihingi kung kinakapos. Hindi mo masisisi ang mga kapatid mo kung nanghihinawa na rin sila sa pagtulong dahil hindi lang ikaw ang kanilang dinadamayan kundi pati mga anak mo.
Unang-una, hindi mo na obligasyon ang magsustento dahil kung tutuusin, mga anak mo na ang dapat kumalinga sa iyo. Matutuhan mo sanang piliin lang ang pagkakataong makapag-abot ng kahit paano pagdating sa pangangailangan ng mga anak mo.
Dr. Love