Dear Dr. Love,
Kamusta na po! Isa po ako sa mga fans ninyo sa inyong column sa dyaryo, sana po ay mabigyang-daan ninyo ang aking suliranin sa pag-ibig.
Ako po ay may boyfriend pero nararamdaman kong hindi ko siya mahal dahil mas mahal ko po ang aking dating boyfriend. Hanggang ngayon ay may komunikasyon pa kami pero madalang lang po kami magka-text o magkausap.
Itong present boyfriend ko naman po ay nagmamahal ng totoo sa akin pero hindi ko po talaga magawang ibaling sa kanya ang pagmamahal na ibinibigay ko sa aking naunang boyfriend.
Ano po ba ang dapat kong gawin? Nawa’y matulungan po ninyo ako.
Truly yours,
Annie
Dear Annie,
Una sa lahat, hindi ka dapat nakipagrelasyon sa ibang lalaki kung hindi mo naman talaga type. Pero hindi na kita sisisihin. Marahil ay nadala ka lang ng paglayo ng unang boyfriend mo na mas mahal mo.
Huwag mo nang patagalin ang relasyon mo sa ikalawa dahil baka lalong lumubha ang situwasyon at mas malalim na sugat ang malikha mo sa lalaking nagmamahal sa iyo ng totoo pero hindi mo naman mahal.
Ang solusyon sa problema mo ay magpakatotoo ka. Sabihin mo ang tunay mong damdamin sa lalaking umaasa sa iyo na mahal mo pero hindi naman pala.
Masasaktan siya sigurado pero walang sugat na hindi napaghihilom ng panahon.
Ang tanong ko lang eh…mahal ka ba naman ng dating boyfriend mo? Pag-isipan mong mabuti ang gagawin mong desisyon.
Dr. Love