Dear Dr. Love,
Hiwalay po kami ng asawa ko sa nakalipas na limang taon. May dalawa kaming anak na nasa kanyang poder. Siya ang may trabaho habang ako ay manaka-naka lamang ang pinagkakakitaan.
Dati nagkasundo kami na ako muna ang mangangasiwa sa aking mga anak para siya ang makapagtrabaho. Pero kalaunan ay natuklasan ko na hindi sa akin ang aming bunsong anak. Nabuo ito sa isang ka-fling ng aking asawa sa isang kasamahan sa trabaho. Pero sa kabila ng lahat, tanggap ko ang bata na itinuturin kong parang tunay na anak ko. Ayaw kong maapektuhan ng eskandalo ang mga bata.
Kinausap ko ang asawa ko para kalimutan na ang mga nangyari at makapagsimula kami. Pero gusto na niyang maghiwalay kami. Aminado ako na marami akong pagkukulang bilang asawa at ama, lalo na sa pinansiyal.
Ngayon may karelasyon ako, pero nananatiling umaasa na magkakabalikan kami ng aking asawa. Wala namang boyfriend sa ngayon ang asawa ko. Pagpayuhan po ninyo ako. Mahal ko pa rin ang asawa ko at ang mga bata sa kabila ng lahat.
Maraming salamat at more power.
Richard
Dear Richard,
Hindi ko maisip kung paano nagkaroon ng pagkakataon ang asawa mo na magka-anak sa iba. Sa aking pagkakaunawa, ang kawalan mo ng kakayahan na suportahan ang pangangailangan ng iyong pamilya ang posibleng nagtulak sa iyong asawa na layuan ka.
Kumuha ka pa ng panibagong karelasyon na siya rin ang nagtataguyod sa iyo, dahil wala kang permanenteng pinagkakakitan. Kung talagang mahal mo ang pamilya mo, dapat sana’y pagpapaunlad sa iyong kabuhayan ang atupagin mo. Naniniwala ang pitak na ito, na sa sandaling magawan mo ito ng paraan, posibleng mabuo ang pamilya mo.
Dr. Love