Pag-ibig sa isang houseboy

Dear Dr. Love,

Isang mainit na pagbati mula sa inyong tagahanga mula sa Cell 272 ng pambansang bilangguan. Sampung taon pa lang ako noong mapahiwalay sa magulang at naging isang palaboy. Mga kapwa ko batang-yagit ang naging kasama ko sa loob ng maraming taon. Naisipan ‘kong mamasukan para magkaroon ng pirmihang tirahan at mapagkakakitaan. Natanggap naman ako bilang houseboy.

Doon ko nakilala si Nila, ang unang babae na nagpatibok at naging karelasyon ko. Umabot ng apat na taon ang aming relasyon. Minsan siyang umuwi sa kanilang probinsya para dalawin ang kanyang mga magulang. Pero tumagal ng dalawang buwan kaya nagpasya na akong sundan siya. Mula sa kapatid niya, nalaman ko na nag-asawa na ang aking nobya. Gusto ‘kong magpakalunod sa alak noong araw na iyon. Kaya marahil naging matindi ang aking pagkalasing at namalayan na lang na nasa kulungan na ako. Ayon sa mga guwardiya, nanakit at nahulihan daw ako ng droga. Wala na akong nagawa sa kaso kaya himas-rehas ngayon.

Sana po, mailathala ninyo ang liham kong ito at maging daan kayo para magkaroon ako ng mga kaibigan.

Maraming salamat po at nawa’y manatili ang pagpapala sa inyo ng Panginoong Diyos.

Lubos na gumagalang,

Mario Ocampo

Student Dorm, Building 2

Cell 232 MSC

Camp Sampaguita, Muntinlupa City 1776

Dear Mario,

Nauunawaan ng pitak na ito ang iyong na­ging damdamin. Pero sana hindi mo hinayaang mailugmok ka ng alak sa kawalan. Kung nagawa mo lamang mapaglabanan ang kabiguang tinamo, marahil wala ka sa kulungan.

Ipagpatuloy mo ang pagpapabuti diyan at pagtibayin ang iyong sarili para maihanda ito sa muling paglaya. Natitiyak ng pitak na ito na may babaeng itinakda para tumbasan ang pagmamahal mo. Manalig ka sa Maykapal.

Dr. Love

Show comments