Nagrebelde

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lang akong si RJay. Mula pagkabata, naguguluhan ako sa aking pagkatao. Ang lola at ama ko ang nakagisnan ‘kong nag-aruga sa akin.

Nalaman ko kay lola na may dalawa pa akong kapatid na nakatatanda sa akin. Kagaya ng aking ina, hindi ko rin sila kilala. Nilayasan daw ng aking ina si tatay tangay ang dalawa ‘kong kapatid.

Balot ng kalungkutan at maraming katanu­ngan ang aking paglaki, Dr. Love. Kinalakihan ko rin ang madalas na paglalasing ni tatay, na pawang nagtulak sa akin para magrebelde. Napabarkada ako dahil naghahanap ng atensiyon, pagmamahal ng ina at mga kapatid.

Dahil dito, natutong manigarilyo at uminom teenager pa lang hanggang sa magbisyo ng droga. Walang panustos kaya natutong mang-umit at manggantso. Humantong ito sa pagtutulak at naaresto ako ng mga awtoridad.

Matagal na po akong nakakulong. Pumailalim din ako sa rehabilitasyon at salamat na lang at naitakwil ko na rin ang pagdodroga.

Sa kulungan, nagsikap akong mag-aral para mapaunlad ang sarili at mapaghandaan ang pagbabagong buhay sa sandaling lumaya na. Wala na po ang lola ko pero nagbalik naman ang tatay ko na tanggap na ang pagkawala ng aking nanay. Nagbago na siya.

Hanggang dito na lang po Dr. Love at nawa’y nakapagbigay ako ng aral sa marami ninyong tagasubaybay. Maraming salamat po at hangad ko ang patuloy na pananagumpay ng inyong column.

RJay

 

Dear RJay,

Bagaman naging masalimuot ang buhay mo gayong bata ka pa lang, sana hindi mo pinarusahan ang sarili sa problemang ito na hindi mo naman kagagawan.

Hindi naging maligaya ang pagsasama ng iyong mga magulang kaya naipit ka sa kanilang problema at natagpuan mo ang sarili sa mara­ming mga katanungan sa iyong pagkatao.

Sana, pagbutihin mo ang iyong sarili dyan sa loob. Hindi madali ang magsimula at magpanibagong buhay. Pero kung mayroon kang matatag na determinasyon, makakayanan mo ito sa tulong ng Diyos.

Dr. Love

Show comments