Dear Dr. Love,
Kinamulatan ko at ng iba pa ko pang mga kapatid ang pagbubuhat ng kamay ng tatay namin sa aming nanay. Kaya nang makulong siya, sa halip na malungkot, unang pumasok sa isip ko ay naka-graduate na sa pagiging punching bag ang nanay.
Sa kabila ng lahat, mahal pa rin ni nanay si tatay. Palagi niya kaming sinasabihan na irespeto namin ang mga magulang kasama na si tatay.
Lumipas ang mahigit sa 15 taon, nabigyan ng parole si tatay. Nakatapos na ako ng vocational course sa pamamagitan ng pagtitinda ng nanay ko ng karne sa palengke at sa tulong ng iba pang kamag-anak niya. Wala akong nakapang saya sa kalooban sa napipintong paglaya ng tatay ko.
Bukod sa pagpapakita ng mabuti sa piitan, napalaya si tatay dahil mayroon siyang malalang karamdaman sa puso. Ikinabigla ko nang muli kaming magkita, laglag na ang katawan niya at wala na ang malakas na boses. Naging bed ridden siya. Ginagawa ni nanay ang lahat pero binawian din ng buhay si tatay.
Kinapa ko ang kalooban ko, wala na ang galit sa aking puso. Napatawad ko na rin si tatay. Nawalan man kami ng ama, nakalaya naman uli si nanay sa pagiging martir na asawa.
Sa ngayon, pinatigil na namin sa pagtitinda ang nanay namin sa palengke. Hindi pa ako nag-aasawa, gusto kong mapagtapos muna sa pag-aaral ang aming bunso
Sana po, nakapulot ng aral sa kuwentong ito ang inyong mambabasa, Dr. Love
Mabuhay po kayo at more power.
Jojo Beltran
Dear Jojo,
Mabuti kang anak at kahanga-hanga rin ang iyong ina sa dakila niyang pagmamahal sa inyong ama. Masuwerte ang nanay mo sa pagkakaroon ng anak na tulad mo at alam ng pitak na ito na ikaw ay magiging isa ring mabuting asawa at ama ng iyong magiging anak.
Gabayan ka lagi ng Diyos sa pagtahak sa matuwid na landas.
Dr. Love