Hindi malimot ang first love

Dear Dr. Love,

Sa edad na 18-anyos, unang tumibok ang aking puso at lihim  na nagmahal sa isang kapitbahay. Ang una at huling pagkakataon ko siyang nakausap ay nang minsan sabayan ko siya sa pagpasok. Dyahe lang dahil siya ang nagbayad ng pasahe ko. Inunahan niya kasi ako. Marahil naisip niyang estudyante lang ako habang siya ay nagtatrabaho na.

Matagal ko na siyang gustong ligawan, pero nauunahan ako ng aking pagkatorpe. Nakuntento na lang ako sa pagtanaw sa kanya kapag paalis o papasok na ng kanilang gate. Paka­way-kaway na lang. Hanggang sa hindi ko na siya nakikita. Hindi ko napigilan na mag-usisa, nalaman ko dumating na daw ang nobyo niya at sila’y ikinasal na. Nasa abroad na sila ngayon.

Sa pagkaunsiyami, Dr. Love parang nagwala ako. Natutong bumarkada hanggang makulong dahil sa droga. Salamat na lang sa mga magulang ko na sumagip sa akin sa tiyak na pagkasira ng aking kinabukasan.

Sa ngayon po, iniuukol ko na ang aking puso sa pagmamahal at paglilingkod sa Diyos. Pero naiisip ko pa rin si Diana. Bakit po ganito, Dr. Love? Magmamahal pa kaya ako gaya ng iniukol ko kay Diana? May magmahal din kaya sa akin? Maraming salamat po at hintayin ko ang inyong payo.

Ramoncito

Quezon City

Dear Ramoncito,

Si Diana ang una mong pag-ibig kaya hindi mo siya malimot kahit pa hindi ka nakapagtapat sa kanya ng damdamin. Magagawa mo rin siyang makalimutan kapag makatagpo ka ng kahalintulad niya. Nasa iyo ang lahat na pagkakataon para makahanap ng iba na matitipuhan mo at magkakatipo rin sa iyo.

Dr. Love

Show comments