Babaeng may 2 asawa sa iisang bubungan, plus 1!

Dear Dr. Love,

Magandang araw sa iyo at sa mga mambabasa ng section na ito. Tawagin n’yo na lamang akong si Woman in Red. Nagsimula ang lahat noong ipagpalit ako ng aking asawa sa ibang babae, 2 taon matapos kaming ikasal. Wala kaming naging anak.

Nakilala ko si Mr. X na hiwalay din sa asawa at childless din, nagsama kami at nakapagpundar ng kabuhayan. Pero hindi kami nagkaanak dahil may deperensiya siya. Nakilala ko si Mr. Y, isang binata, nagkaanak kami. Tanggap naman ito ni Mr. X at sa katunayan, sa iisang bubong kaming tatlo nakatira. Iginagalang ni Mr. X ang pagkababae ko habang kami pa ni Mr. Y, kaya hindi nawala ang pagmamahal ko sa kanya. Hindi naman kami magkasundo ni Mr. Y kaya nag-abroad ako. Nakilala ko naman dito si Mr. Z, isa ring binata. Nagkaanak rin kami. Wala akong ipinaglihim sa kanilang tatlo.

Wala na kaming sexual relationship ni Mr. Y kaya nanumbalik ito sa amin ni Mr. X. Subalit ang pagkakaalam ng mga bata ay tito nila si Mr. X kaya walang PDA kapag kaharap namin sila. Ngayong taon, uuwi na si Mr. Z at gusto niyang magsama na kami. Pero ang sabi ni Mr. X kapag pumisan ako kay Mr. Z, aalis na siya sa buhay naming mag-iina.

Naguguluhan ako Dr. Love, mahal kong pareho sina Mr. X at Mr. Z, pagpayuhan ninyo ako kung ano ang dapat kong gawin. Regards and more power.

Woman in Red

 

Dear Woman in Red,

Naguguluhan ka? Dapat lang, kasi ako lalung naguguluhan. Ano ba naman iyang pinasok mo? Parang hindi ako makapaniwala na totoong istorya ito eh.

Iniisip ko lang, may balak ka bang ubusin ang lahat ng letra sa alpabeto? Pasensya ka na ha pero pumasok ka sa isang situwasyong napakagulo na hindi magandang klima sa mga naging anak mo sa kung kani-kaninong lalaki.

Kung ako ikaw, magsisisi na ako sa mga ka­salanan ko sa pangangalunya dahil hindi kalugud-lugod iyan sa Diyos. Kung ikaw mismo ay naguguluhan, ibig sabihin lang niyan ay walang kaayusan ang buhay mo na dapat mong ayusin.

Dr. Love

Show comments