Dear Dr. Love,
Itago mo na lang ako sa pangalang James, isang bilanggo na nalalapit nang lumaya dahil binigyan ako ng commutation of sentence habang nasa rehabilitasyon.
Ang malaking pagkakamaling nagawa ko ay pinagsisihan ko na. Dahil sa epektong dulot nito sa aking pamilya, lalo na sa aking mag-ina na tuluyan nang nawala sa akin.
Napawi ang pananabik kong makalaya, dahil sa sulat mula sa aking asawa. Hinihingi niya ang patawad at pang-unawa alang-alang sa aming anak, na isang taon pa lamang nang ako’y makulong. Hiniling din niya na huwag kong gambalain ang pamilya nila para hindi magdulot ng kalituhan sa aming anak. Na ang kinilalang ama ay ang nagkandili sa kanila.
Inayunan ko naman ito, sa paniniwalang tama ang naging desisyon ni Nina para sa aming anak. Idinadalangin ko ngayon sa Panginoon ang paggabay na sa kabila ng aking mga pinagdaanan ay gabayan Niya ako na matanggap ng lipunan.
Maraming salamat po sa pagbibigay daan ninyo sa liham kong ito. Mabuhay po kayo.
Gumagalang,
James
Dear James,
Salamat sa pagpapakita mo ng kababaang-loob kaya naman hindi nakapagtataka na makamit mo ang commutation of sentence.
Alam kong nakatulong ng malaki sa pagpapaubaya mo o pagpaparaya mo sa karapatan mo sa iyong anak ay ang pananalig mo sa Diyos at sa hangaring maging normal ang paglaki ng iyong anak.
May tamang panahon para magpakilala ka sa anak mo. Ito ay sa sandaling nagbago ka na talaga at napaunlad ang sarili para maging kapaki-pakinabang na mamamayan.
Idinadalangin ng pitak na ito na sana’y tuloy-tuloy na ang iyong pagpapakabuti.
Good luck to you.
Dr. Love