Dear Dr. Love
Gusto ko lamang pong isangguni sa inyo ang problemang dinadala ko tungkol sa nangyayari sa amin ng aking asawa. Nalaman ko na may kinakasama siya sa Saudi at dalawa pa ito. Nasa Saudi rin po ako ngayon at nakakapagbakasyon every two year sa Pinas.
Nakumpirma ko ang tungkol dito sa naging kasamahan ng misis ko. Humingi na siya ng tawad tungkol dito. Pero bilang lalaki ay napakasakit po talagang tanggapin, kundi lang sa aming tatlong mga anak.
Bagaman 2006 pa nang mangyari ito, nananariwa pa rin sa akin ang sakit ng kalooban. Hindi ko rin maalis na magduda sa tuwing aalis siya, na maaaring may iba na naman siyang katagpuan o karelasyon.
Kung tutuusin Dr. Love, pwede ko rin ghawin ang ginawa niya para makaganti sa sakit na naidulot nito sa akin. Pero hindi ko po kaya dahil mahal ko ang aking asawa.
Sa ngayon po ay matatapos na ang aking pangalawang kontrata na pang apat na taon at balak ko nang umuwi na sa Pinas at bumalik na lamang muli kung may pagkakataon pa.
Salamat po at sana’y matulungan ninyo ako sa mga nararamdaman ko na alam kong ‘di tama... MABUHAY po kayo!
Gumagalang,
Ronald
Dear Ronald,
Hindi puwedeng ituwid ang isang pagkakamali ng isa pang mali. Kung seryosong humihingi ng tawad sa iyo ang misis mo, patawarin mo siya dahil ang pagpapatawad ay isang dakilang bagay na magagawa ng taong may pananalig sa Diyos.
Ang nangyari sa misis mo ay matatawag kong disadvantage ng mga mag-asawang pansamantalang naghihiwalay dahil kailangang mag-abroad.
Naniniwala ako na nagawa lang niya yaon dahil nasa gipit siyang kalagayan. Hindi siya pinasahod ng una niyang amo kaya humanap siya ng taong makatutulong sa kanya habang walang ibang sasaklolo sa kanya sa isang malayong lugar.
Masaklap na katotohanan na kapos ang ating bansa sa trabaho at kailangan pang maghanap ng kabuhayan ang mga kababayan natin sa ibang bansa, disin sana’y walang mga nawawasak na pamilya.
Dr. Love