Ipinakiusap napagmamahal

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lang akong Aling Cela, dating isang titser at sa ngayon ay naghihintay na lang ng takip-silim ng aking buhay.

Isa mo akong tagahanga kaya naman mina­buti kong sumulat din sa iyo, una para maibahagi ang aking karanasan at pangalawa para mapa­salamatan ang babaeng pinagkakautangan ko ng loob para mapaligaya ang aking anak na lalaki sa huling sandali ng kanyang hiram na buhay.

May sakit na cancer ang pumanaw ko nang anak. Pero bago pa mangyari iyon, isang kababata niya at dating niligawan ang pinakiusapan ko na maging malapit sa kanya.

Sa laging pagdalaw ni Cely at pagkukwen­­t­u­han nila ng aking anak na noon ay may taning na, nakita ko ang malaking pagbabago ni Jun. Nagpapasalamat ako dahil kahit paano ay nakita ko na naging maligaya ang aking anak.

Pero higit pa pala dito ang dapat kong ipagpasalamat. Dahil ipinagtapat ni Cely na nagmahalan sila ni Jun at pinilit niya itong mag-iwan sa kanya ng anak. Napaluha ako sa labis na kasiyahan.

Nagsilang nga si Cely ng sanggol, isang lalaki at isinunod namin ito sa pangalan ni Jun. Hindi sila kasal ng aking anak kaya sinabihan ko si Cely na magpaligaw na. Kaibigan nila ni Jun ang napangasawa niya. May dalawang anak na sila ngayon at masaya ako sa piling nila bilang ina.

Sana po, nakapagbigay ako ng magandang aral sa inyong mambabasa at hangad ko ang patuloy na kaligayahan ni Cely at aking apo sa piling ng kanyang asawa.

Maraming salamat at more power.

Aling Cela

 

Dear Aling Cela,

Salamat po sa liham ninyo at sana’y huwag kayong magsawa sa pagbabasa ng aming pahayagan at pitak na ito.

Ikinalulugod po namin na ang magandang istorya ng buhay at pag-ibig ng inyong anak ay ipinagkatiwala ninyong ilathala sa aming pitak para magsilbing modelo ng pag-iibigan ng ating mga kabataan ngayon.

Pambihira po ang pag-iibigan nila at isa rin po kayong dakilang ina.

Dr. Love

Show comments