Ang tunay na kaibigan

Dear Dr. Love,

Magandang araw po!

Isa po akong OFW. Taong 2004 po nang makatapos ako ng kolehiyo. Agad akong nag-apply kung saan ko nakilala ang isang kaibigan. Anak mayaman at galing siya sa isang sikat na unibersidad sa Maynila samantalang ako po ay sa aming probinsya lamang.

Pareho po kaming fresh graduate at nag-a-apply sa isang malaking kumpanya, ako po ay Engineer at siya po ay Accountant subalit sa kawalan ng karanasan sa trabaho ay nagbakasakali po ako na matanggap kahit sa mababang posisyon, sa awa po ng Diyos kami po ay pinalad na matanggap.

Matapos ang walong buwan, nagpasya po siya na umalis sa aming kumpanya dahil nagsasawa na raw siya sa aming trabaho. Nawalan kami ng komunikasyon. Taong 2007 nang mag-Saudi ako. Nahilig ako sa social networking kung saan muli kaming nagkatagpo. Naghirap pala siya mula nang pumanaw ang kanyang ama. Bilang kaibigan ay tinutulungan ko siya sa problemang pinansiyal at emosyonal.

Dumating ang oras na masusubok ang aming­ pagkakaibigan, nagkaroon po kami ng emergency sa bahay nang maospital ang lola ko. Nagkataon na humingi din siya ng tulong, humingi ako ng pasensya at ipinaliwanag ang sitwasyon ko. Mula noon ay hindi na siya nagparamdam. Tinanggal na rin niya ako sa kanyang list of friends.

Dr. Love, masakit po sa akin na ‘di siya matulungan pero wala po talaga akong magawa. Mali po ba ang aking naging desisyon at ano po ba ang dapat kong gawin upang manumbalik ang dati naming pagkakaibigan?

Maraming salamat po.

Lubos na gumagalang,

Cielo  

Dear Cielo,

Ang pagkakaibigan ay hindi nasusukat sa tulong pinansyal na maibibigay ng isa’t isa sa panahon ng pangangailangan. Siyempre kung nasa lugar tumulong ang sino man, hindi ito dapat ipagkait. Pero kung walang maitutulong dahil nangangailangan din, hindi ito dahilan para tapusin ang friendship.

Kung ako sa iyo, hindi ko panghihinayangan ang ganyang klase ng kaibigan.

Dr. Love

Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Mag-email sa LibNGAYON@philstar.net.ph. Maaari nang mapanood ang pagpapayo ni Dr. Love, bisitahin ang DR. LOVE WEBISODE sa philstar.com)

Show comments