Nanlalaki si misis

Dear Dr. Love,

Isang masagana at taos pusong pangungumusta. Dati po, isa ako sa maraming Pilipinong overseas worker. Ngayon, isa akong inmate dito sa pambansang bilangguan. Matapos kong mapatay ang kalaguyo ng aking asawa.

Masaya at masagana ang pamumuhay namin noong pabalik-balik ako sa abroad. Bukod sa aking­ mga kamag-anak na natutulungan, may sarili kaming bahay at sunod sa luho ang aking mag-iina.

Nabago ang lahat nang makarating sa akin ang panlalalaki ng aking asawa. Biglaan akong umuwi at napatunayan ang lahat nang sinundan ko sila sa motel na tinuluyan nila. Doon hindi na ako nakapagpigil at itake ang kalaguyo ng aking asawa. Sinaksak ko siya, hindi ko naman maatim na saktan ang asawa ko. Matapos ang insidenteng ito, kusa akong sumuko.

Napakasakit Dr. Love pero umaasa pa rin ako na may magandang bukas na naghihitay sa akin. Mabuti na lang at patuloy ang pagbisita sa akin ng aking mga kamag-anak. Malaking bagay din kapag dala nila ang dalawa kong anak.

Ang inaabangan ko ngayon ay kung ma-qualify ako sa inaplayang parole. Sana lumawig pa ang column ninyo Dr. Love para marami pa kayong matulungan na gaya ko, na nagkasala at nagsisisi sa nagawa.

Maraming salamat po.

Andrew Miclat

Camp Sampaguita

Muntinlupa City  1776

 

Dear Andrew,

Sana ganap na ang pagsisisi mo sa nagawang pagkakasala para matamo ang kapatawaran at kapayapaan ng isip at damdamin. Mahina sa tukso ang naging asawa mo at nadagdagan pa ng pangyayari na malayo ka sa kanya. Ipaubaya mo na sa Diyos ang tungkol sa asawa mo. At pagbutihin mo ang pagpapasailalim sa rehabilitasyon para makuha mo ang parole, alang-alang sa mga anak mo.

Dr. Love

Show comments