Maling desisyon

Dear Dr. Love,

Magandang araw sayo at sa mga mambabasa, tawagin mo na lang akong Miss Lucky Star. Hindi na ko magpapaligoy-ligoy pa, ako ay 26 years old na at namomroblema ako sa mister ko na nagdulot ng lahat ng aking paghihirap at pagsasakripisyo. Minsan ay sinasaktan niya ako at pinagsasalitaan ng ‘di maganda at pinapahiya sa maraming tao.

Kasal kami sa simbahan, may dalawang anak kami at walong taon na kaming kasal. Mas malaki ang sweldo ko sa kanya dahil sa call center ako nagtatrabahao at siya naman ay mekaniko lang at nakukuha pa mag-addict.  Kaya naman puro ako ang naglalabas ng pera sa pampaaral ng mga anak ko.

Naiinis ang mga katrabaho ko  at ang mga magulang ko sa kanya dahil sa kanyang uga­ling hindi maganda. Kaya pinapayuhan nila ko na hiwalayan ko na nga daw siya.

Pero naiisip ko na sayang ang  pinagsamahan namin nang matagal na panahon kung sa hiwalayan lang pala mauuwi ang lahat. Pero kumakabig naman ang isang bahagi ng isip ko na masama siyang asawa at may dalawa kaming anak.

Ayoko rin namang maging broken family kami, pero ayaw ko rin naman habang buhay magsakripisyo dahil sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay lagi kami nag-aaway .

Sana matulungan n’yo po ako. Maraming salamat po.

Sumasainyo, 

Lucky Star

 

Dear Lucky Star,

Natutuwa ako sa iyo dahil sa kabila ng problema mo ay tinatawag mo na “lucky” ang sarili mo. Hindi ako naniniwala sa luck. Lahat nang nangyayari sa atin ay bunga ng ating mga desisyon. 

Sa tamang desisyon, may magandang bu­nga at kung mali naman, masama ang bunga.

Kaya kailangang bahagi ng buhay natin ang Dios at ang kanyang Salita. Dapat ang ano mang bagay na gagawin natin ay batay sa kanyang kautusan para hindi tayo magkamali.

Hindi ko alam kung papaano kayo nagka­kilala ng mister mo. Sa simula’t simula ba ay mayroon na siyang masamang bisyo? Kung sa ka­bila niyan ay pinatulan mo pa siya at pina­kasalan, ang dinaranas mo ngayon ay dahil sa maling pasya.

Ayaw kong magpayo ng paghihiwalay hang­ga’t maaari. Sabi nga ang pinagtali ng Dios ay hindi dapat paghiwalayin. Pero binigyan tayo ng Dios ng karunungan.

Kung ang pakikisama mo sa iyong mister ay magsasapanganib sa iyo, may paraan, sa ilalim ng batas upang ideklarang walang bisa ang inyong kasal.

Ang pagiging lulong sa droga at mapagbuhat ng kamay ay isang matibay na ground para sa marital annulment. Kumonsulta ka sa abogado tungkol sa bagay na iyan.

Dr. Love

Watch Dr. Love webisode

(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa LibNGAYON@philstar.net.ph.)

Show comments