Pangarap ang masayang pamilya

Dear Dr. Love,

Isang magandang araw po sa inyo. Matagal na rin po akong nagbabasa ng inyong column pero ngayon lang ako nagkalakas ng loob na lumiham sa inyo at humingi ng inyong payo.

Matagal ko na rin pong problema ito. Mula nang magkahiwalay kami ng aking asawa. Takot na po akong umibig muli at baka magaya lang ito sa relasyon naming mag-asawa.

Ang isa ko pang pinangangambahan ay hindi na po ako bata. Ngayon ay 36 anyos na ako. Nangangarap ako na magkaroon ng masayang pamilya, may mabuting asawa at mga anak. Pero parang ipinagkakait ito sa akin ng tadhana.

Masakit mang sabihin, mahal ko pa rin ang aking asawa. Pero hindi ko naman matiis na kami ay palaging nag-aaway.

Hanggang nabalitaan ko na lang na mayroon na siyang kalive-in at nagdadalang-tao na ito. Kahit gustuhin ko mang magkabalikan kami, hindi na uubra.

Minsan para malutas ang aking problema sa pag-iisa, gusto ko nang magpabuntis na lang para hindi na masaktan. Kaya nga lang, naiisip ko na magiging kawawa naman ang aking magiging anak na lalaking walang ama.

Sana, matulungan po ninyo ako kung ano ang dapat kong gawin. Sana po makatagpo ako ng isang lalaking magmamahal sa akin ng tapat.

Salamat po at masaganang pangungumusta.

Gumagalang,

Angie

09083271817

Dear Angie,

Lawakan mo ang ginagalawan mong mundo para makakilala ka ng lalaking pangarap na makatuwang sa buhay.

Pero unahin mong ayusin ang annulment o legal separation para sakaling may matipuhan ka, wala nang magiging balakid. Pinakamabuti na makilala mo munang mabuti ang makakarelasyon para maiwasan ang pagsisisi sa huli.

Bata ka pa naman, natitiyak ko na marami pang magagandang bagay ang naghihintay para sa iyo.

Dr. Love

Show comments