Dahil sa pag-ibig kay Gilda

Dear Dr. Love,

Isang maagang pagbati po sa inyo ng Masayang Pasko at Manigong Bagong Taon.

Nais ko po na maibahagi at kapulutan ng aral ang karanasan ko sa pag-ibig. Apat na buwan pa lang ako mula nang matanggap sa pinapasukan kong trabaho, nang makilala si Gilda. Minsan kaming nagkasabay sa taxi hanggang naging regular na ito dahil pareho lang ang aming destinasyon.

Naging malapit kami sa isa’t isa at nang sabihin niyang bakit hindi namin subukan na maging magkasintahan, simula noong gabing ‘yun ay kami na.

Isang insidente ang nagpabago sa takbo ng aking buhay. Pareho kaming ginabi ng uwi. Nang bumaba kami sa sasakyan may isang lalaki na sa tantiya ko ay lasing na nagpaputok ng baril. Marahil para takutin kami.

Pero nang lumapit na siya sa akin at iniumang ang armas sa ulo ko, lumaban na ako. Nag-agawan kami ng baril at sa prosesong ito, pumutok. Akala ko nga, ako ang tinamaan.

Pero nang bumulagta sa lupa ang lalaki hang­gang sa malagutan ng hininga, nalito ako at hindi malaman ang gagawin. Dumating ang mga pulis, kusa akong sumuko.

Huli na nang malaman ko na ang lalaki palang iyon ay boyfriend din ni Gilda. Wala akong intensiyong pumatay ng kapwa pero nag­depensa lang ako, kundi baka ako naman ang siyang nawala sa mundong ito.

Bunga nito, pinagdurusahan ko ang nagawa kong krimen. Ang masakit nito, habang nakakulong ako at pumapailalim sa rehabilitasyon, nabalitaan ko na lang na mayroon nang ibang nobyo si Gilda. Ang daling makalimot. Parang damit lang kung magpalit ng kasintahan.

Ang hiling ko lang po, sana magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat para makalimot sa sinapit kong kapalaran. Ang gusto ko po ay mga kaibigan na makakaunawa sa akin at hindi titingin sa aking nakaraan.

Maraming salamat po at more power.

Gumagalang ,

Efren Nally Manilag

Bldg. 2 Dorm 214

MSC Camp Sampaguita

Muntinlupa City 1776

Dear Efren,

Advance Merry Christmas din!

Sana, makatagpo ka ng maraming mga kaibigan na magpapaligaya sa iyo sa darating na Pasko.

Nawa’y tumimong lubusan ang leksiyon sa iyo ng nakaraang karanasan sa pag-ibig. Bago ka makipagmabutihan o makipagrelasyon sa isang babae, kilalanin muna siya. Ito rin ay para sa mga babae bago sila makipagnobyo.

Hindi naman nakapagtataka kung may bago na agad si Gilda. Dahil sa nangyari, bago pa maging kayo ay hindi pa siya hiwalay sa una niyang karelasyon.     

Magpakabuti ka sa piitan para mapaaga ang paglaya mo.

Dr. Love

Show comments