Dear Dr. Love,
Isa pong masaganang pangungumusta.
Akoy po ay ex-convict. Lumiham po ako sa dahilang hindi ko makalimutan ang kabanata ng buhay ko sa pagbabalik sa lipunan pagkaraang mabilanggo.
Binata ako at first time na makulong. Siguro, nagawaran ako ng parole dahil maganda naman ang record ko sa piitan at ipinakita kong nagbago na ako.
Tinalikuran ko na ang masamang barkada at sa simpleng hanap buhay na pagkukumpuni ng mga sirang radyo at iba pang kagamitan sa bahay, nagsisikap na mabuhay ng marangal.
Ang akala ko, tuloy-tuloy na ang magandang suwerte ko dahil nagkaroon ako ng isang maganda at mabait na nobya. Gusto ko na sanang pakasal kami pero siya ang humihiling na maghintay muna kami ng kaunting panahon pa hanggang makapundar kami ng bahay at lote.
Hanggang sinabi niyang nagdadalang-tao na siya dahil kapwa kami nakalimot sa aming sarili sa ilang pagkakataon. Ilang buwan pa ang lumipas ay nanlamig na siya sa akin.
Kasunod nito, nalaman kong pinalaglag niya ang magiging anak sana namin. Halos maluha ako sa sobrang pagngingitngit. Hindi ko akalain na magagawa ang ganon.
Pero may mas masakit pa pala siyang magagawa, nang sabihin na kalimutan na namin ang isa’t isa dahil hindi matatanggap ng kanyang mga magulang kung makapag-aasawa siya ng isang ex-convict.
Hindi na ako nakapagpigil, nasampal ko siya dahil niloko niya lang ako. Pinaniwalang mahal sa kabila ng nakaraan. Sa sama ng loob, umalis na ako sa lugar na tinitirahan ko malapit lang sa kanila.
Talaga bang ang isang ex-convict na tulad ko ay wala nang pag-asang makatagpo ng magmamahal na babae?
Salamat po sa pagbibigay daan ninyo sa liham kong ito at muli, more power to you.
Andy Agnes
Dear Andy,
Huwag paliitin ang tingin mo sa sarili dahil sa ikaw ay isang ex-convict. Anuman ang nagawa mo sa nakaraan, pinakamahalaga pa rin na nagpapakabuti ka na. Huwag mong pabigatin ang iyong kalooban, patawarin mo na ang ex-girlfriend mo at magpatuloy ka sa iyong pagpapakabuti sa buhay. Ipagpasalamat mo na rin na nakilala mo siya habang hindi pa kayo naikakasal.
Isipin mo na lang na hindi kayo karapat-dapat sa isa’t isa at may nararapat na inilaan para sa iyo ang Maykapakal.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa LibNGAYON@philstar.net.ph.)