Dear Dr. Love,
Tawagin na lang po ninyo akong Eva. Ang problema ko po ay ang pagdadalantao pero pinagdududahan ng boyfriend ko na sa kanya ang sanggol.
Ang katwiran niya ay nagko-condom naman daw kami. Nalaman ko rin na hindi na siya malaya.
Ngayon ay litong-lito po ako, Dr. Love. Ang laki kong tanga. Dahil isinaisantabi ko ang pagsisikap ng mga magulang ko para makapag-aral sa kolehiyo at naniwala sa lahat ng mga sinabi ng boyfriend ko, kaya heto ako sa kawalan.
Sa sobrang galit, pinalayas ako ng aking mga magulang para hanapin ang nakabuntis sa akin. Nakikitira po ako ngayon sa malayong kamag-anak sa probinsiya. Dito ko balak iluwal ang sanggol, na balak kong ipaampon at magsimula ng bagong buhay.
Nais ko ring makapagpatuloy uli ng pag-aaral ng self supporting ako.
Payuhan po ninyo ako. Wala po akong mahingan ng tulong sa suliranin ko. Maraming salamat po at more power.
Eva Advincula
Pasay City
Dear Eva,
Salamat at binuhay mo ang walang malay na sanggol sa sinapupunan.
Kung talagang desidido kang ipaampon ang bata, makabubuting humingi ka ng tulong sa Department of Social Services para siyang magbigay payo sa iyo kung paano mo ipapaampon ang iyong anak. Puwede ka ring humingi sa DSWD ng referral.
Maraming mga mag-asawang hindi nabiyayaan ng anak at sila ang makapagtuturo sa iyo ng dapat mong gawin.
Ayaw na nating sisihin ka pa sa nangyaring ito sa buhay mo. Ang nais ng pitak na ito ay mapanuto ka at maging leksiyon sana ito sa iyo sa hinaharap.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa LibNGAYON@philstar.net.ph.)