Hinahanap ang asawa

Dear Dr. Love

A pleasant greetings to you. Tawagin mo na lang ako sa alyas na Brod. Masugid mo akong tagasubaybay at labis kong hinahangaan ang iyong mga payo.

Hiwalay ako sa aking asawa at nagkaroon kami ng anak na kambal. Hindi ko maintindihan kung bakit makalipas lang ang ilang taon ay biglang lumamig ang kanyang pag-ibig sa akin.

Nangyari ito magmula nang magkaroon siya ng trabaho. Nalaman ko na may third party sa aming relasyon. May kinalolokohan siyang lalaki at ito’y nalaman ko sa isang matalik kong kaibigan. Una’y nagalit ako sa kaibigan ko pero sa dakong huli’y napatunayan ko.

Dahil doo’y hiniwalayan ko siya at iniwan ko sa kanya ang kambal naming anak. Nagkaroon ako ng pagkakataong mag-abroad sa Canada. Nakapasa ako sa interview.

Dito sa Canada ay nakatagpo ako ng bagong pag-ibig. Gusto naming magpakasal pero kahit hiwalay ako sa asawa ko, kasal pa rin kami dahil hindi pa annulled ang kasal namin.

Ang problema ko ay hindi na raw alam ng aking mga kaibigan at kaanak ang kinaroroonan ng aking hiniwalayang asawa. Ano ang gagawin ko?

Brod

Dear Brod,

Legal issue iyan na mangangailangan ng legal counsel. Tama ka, kailangang walang maging impediment sa pagpapakasal mo sa bago mong kasintahan.

Maaaring mangailangang magbalik ka sa Pilipinas para personal mong asikasuhin ang pag­tunton sa kinaroroonan ng misis mo para tuluyang ma-annul ang kasal ninyo.

Kung mahirapan ka sa pagtunton, hindi ko tiyak kung anong hakbang ang dapat gawin pero alam kong may legal remedy na puwedeng gawin.

Kumonsulta ka sa abogado dito sa Pilipinas

Dr. Love

(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa LibNGAYON@philstar.net.ph.)

Show comments