Dear Dr. Love,
Ang sabi ng iba, mapapatunayan ng isang tao na tunay niyang minamahal ang asawa o nobyo kung makakagawa ng isang pagsasakripisyo para sa kaligayahan ng isang minamahal.
At ito ang pinatunayan sa akin ng pinakamamahal kong kabiyak nang lingid sa aking kaalaman, itinuloy niya ang kanyang pagdadalang tao kahit alam niyang malalagay sa alanganin ang kanyang buhay.
Tuwang-tuwa pa naman ako nang sabihin sa akin ni Melissa na dalawang buwan na ang dinadala niya sa sinapupunan.
Kaya naman, ang sabi ko, ikakasal na kami bago magpitong buwan si baby at tamang-tama ang inimpok kong pera para doon at gayundin sa kanyang pagsisilang. Pero anim na buwan palang, dinugo na ang misis ko at kailangan ang malaking halaga para siya maoperahan.
Para akong tulala. Kapos ang naimpok kong pera para sa operasyon. Dinala namin sa ospital si Melissa at doon, sinabi ng doctor na delikado para sa misis ko ang magdalang-tao.
Wala na akong mautangan. Tadtad na kasi ako ng paki sa aking mga kaibigan.
Wala akong masulingan. At dito nakita ko ang isang may edad na lalaki na galing bangko. Pagtapat sa isang kanto, nagdesisyon akong holdapin ang taong ito.
Lakad takbo ako patungong ospital.
Pero ang dinatnan ko ay ang aking inang umiiyak. Wala na raw si Melissa at gayundin ang sanggol na kanyang dinadala.
Iyon lang at halos maglupasay na ako sa sahig. Wala na ang babaeng pinaglaanan ko ng pera na mula sa gawaing masama.
Hindi kalaunan, may mga dumating na pulis. Nasundan pala ako ng mga tinawag na parak ng matandang hinold-up ko.
Nagsisisi ako sa kasalanang nagawa at sana, napatawad na rin ako ni Melissa sa aking ginawa.
Gumagalang,
Ramon Avenido
(Di tunay na pangalan)
Dear Ramon,
Ang malungkot mong karanasan sa pag-ibig ay isang bahagi lang ng pakikihamok sa buhay. Lahat tayo ay nagkakaroon ng mga hamon sa buhay maliit man o malaki at nasa ating diskarte kung paano malalampasan ang mga ito.
Kaya nga lang ang pagpili ng direksiyon kung paano malalampasan ang mga problemang ito ay dapat na nasa daang matuwid at hindi sa pamamagitan ng paggawa ng masama. Marahil, ang pagkakakulong mo ay isang manipestasyon na kailangang mabigyan ng hustisya ang masama mong ginawa.
Ang maagang pagkuha naman ng buhay ng iyong asawa at anak ay nakatadhana nang kapalaran nila para magbalik na sila sa Lumikha at hindi na dumanas pa ng mga hirap sa mundo. Natapos na rin ang kanilang misyon sa daigdig.
Dr. Love