Tutol ang pamilya

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lang po akong si Meynard, isang bilanggo sa pambansang piitan sa Muntinlupa City. Kaya po ako lumiham sa iyo, nais kong maihinga ang sama ng aking loob bunsod ng pagkaunsiyami ng aking pag-ibig.

Dumating sa buhay ko si Shirley, bilang penpal. Ipinakilala siya ng kapwa ko inmate, na ang asawa ay nagtratrabaho rin sa Kuwait.

Sa simula naging magkaibigan kami hanggang sa magkahulugan ng loob. Dulot nito ang kakaibang determinasyon ko para makabangon sa kinalugmukan ko sa loob ng bilangguan. Ang saya ko nang maging kami, Dr. Love.

Kaya lang ayaw sa akin ng pamilya ni Shirley. Noong una ipinaglalaban niya ako pero nauwi ang lahat sa pagsunod niya sa pamilya niya.

Dumalang na ang pagsulat niya sa akin. Hindi na rin niya ako binisita sa piitan kung umuuwi siya. Hanggang nahinto ang aming komunikasyon.

Masakit. Masakit ang umasa sa isang pangako.

Kung minsan, hindi ko po maiwasang isipin kung bakit ganito ang pagtrato sa mga kagaya kong bilanggo?

Sa ngayon, pinagsisikapan ko na ituloy ang aking pagpapakabuti dito sa loob para mapaghandaan ang aking paglaya.

Hanggang dito na lang po at maraming sala­mat sa pagbibigay daan ninyo sa liham kong ito.

Umaasa,

Meynard

Dear Meynard,

Salamat sa liham mo. Hindi natin masisi si Shirley sakaling nadala siya sa mga pangaral ng kanyang magulang. Maaaring labis na ni­rerespeto niya ang kanyang mga magulang kaya kung mayroon man siyang tapat na pagmamahal sa iyo, minabuti na niyang sumunod sa kanyang pamilya.

Huwag kang mawalan ng pag-asa. Dahil natitiyak kong may babaeng mas nararapat sa iyong pagmamahal. Ipagpatuloy mo ang pagbabagong-buhay.

Dr. Love

Show comments