Dear Dr. Love,
Magandang araw po sa lahat ng bumubuo ng Pilipino Star Ngayon. Matagal na po akong nagbabasa ng pitak n’yo Dr. Love at natutuwa po ako sa pagbibigay n’yo ng payo.
Itago n’yo nalang po ako sa pangalang James, 27 years old. Kaya po ako sumulat sa inyo ay para humingi ng payo at alam ko pong matutulungan n’yo ako. Isa po akong computer technician at meron na po akong asawa, almost 2 years na po kaming magkasama.
Hindi pa po kami kasal. Ang problema ko lang po sa asawa ko ay masyadong selosa. Iyon po ang dahilan ng pag-aaway namin. Lahat po ng bagay ay pinagseselosan n’ya at ayaw n’ya akong payagang umalis. I mean pumasyal sa mga pinsan ko. Masyado siyang mahigpit sa ‘kin, pero hindi naman ako ganoon sa kanya.
Wala naman po akong tinatago sa kanya eh, bakit po siya ganun sa ‘kin? Kaya po minsan iniisip ko na iwanan na lang siya. Pero ‘di ko po magawa dahil lagi n’ya akong binabantaan. Kapag iniwan ko daw siya ay magpapakamatay siya. Hanggang dito na lang po Dr. Love at umaasa po ako na mababasa n’yo ang sulat ko at sana po ay mabigyan n’yo po ako ng magandang payo maraming salamat.
James ng Rosario, Pasig City
Dear James,
Sa iyo at sa iba pang sumusulat sa ating kolum, pakiusap lang na huwag kayong gagamit ng lengguwaheng pang-text messaging. Halimbawa ‘yung “ako” huwag gawing “aq” at ‘yung namin ay huwag gagawing nmn. Isa pa, maglagay naman kayo ng period at hindi coma sa pagtatapos ng kataga and use capital letter sa pagsisimula ng sentence. Please write the proper way dahil hindi kayo nakatutulong para sa sarili ninyong ikapapanuto at pinasasakit pa ninyo ang ulo ng editor.
Para huwag magselos ang misis mo, isama mo kaya siya sa mga lakad mo sa kondisyong sasamahan mo rin siya sa mga lakad niya. Fair deal hindi ba? Kung wala naman kayo talagang ginagawang masama, walang dapat ipagselos. Over-possessive ang asawa mo at hindi magandang indikasyon iyan. Hindi na tanda ng pagmamahal kundi kasakiman.
Pag-usapan ninyong mabuti ang problema at hangga’t maaari ay i-preserve ang inyong pagsasama.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o PSN Libangan 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa psnlibangan@philstar.net.ph.)