Dear Dr. Love,
Isang mapagpalang araw po ang aking mataos na pagbati sa paborito kong kolumnista ng PSN. Nawa’y laging sumainyo ang kalinga ng Dakilang Lumikha para maipagpatuloy pa ninyo ang adhikaing makatulong sa tulad kong bilanggo at may mga problema sa puso.
Ako po si Elmer Sialana, 27 years old na isinilang at lumaki sa Mindanao. Lumiham po ako upang maibahagi ang naging kapalaran ko na ang tanging hangad ay makapagbigay aral sa inyong mambabasa.
Ang aking pagkakabilanggo ay hindi ko naman sinadya. Maagang naiatang sa aking balikat ang pagbuhay sa aming pamilya. Kaya ang mga nakababata kong kapatid ay sagot ko sa kanilang pag-aaral at gayundin nais kong tiyaking maayos ang buhay.
Ang isa kong kapatid na babae na sumunod sa akin ay nakapangasawa siya ng isang sadistang lalaki. Mula nang magsama sila, malimit na umuuwi sa bahay ang aking kapatid na pasa-pasa ang katawan dahil sa pambubugbog ng asawa.
Bilang tumatayong ama ng tahanan, sinikap kong kausapin ang aking bayaw na sana, ayusin nila ang kanilang pagsasama at lutasin ang problema nang hindi nananakit ng kabiyak. Nangako naman siya na hindi na mauulit ang tungkol dito.
Pero, minsan, umuwi na uli ang aking utol at sinabing makikipaghiwalay na siya sa asawa dahil hindi na niya matatagalan ang pambubugbog nito.
Tulad nang inaasahan, sinundan siya ng kanyang asawa at inaamong bumalik na sa kanilang tirahan. Pero ayaw sumama sa kanya ng utol ko. Dahil dito, sinapak ni bayaw si utol na ikinawala ng malay nito.
Nangyari ang insidenteng ito sa harap namin at mismong sa aming tahanan. Nang uulitin niya ang pananapak sa kapatid ko, sinawata ko siya pero bumunot ito ng patalim at uundayan sana ako ng saksak. Nahawakan ko ang kanyang kamay at kaming dalawa ang nagkaengkuwentro. Ang pag-aagawan namin ng patalim ay humantong sa mabilis niyang pagkasawi. Matapos kong maagaw ito ay agad na itinarak sa bayaw ko.
Naiiyak ako sa aking nagawa. Humihingi ako ng sorry kay bayaw pero sinabi kong mahal ko si utol at hindi papayag na saktan niya ang aking kapatid kaya napilitan akong umawat sa kanilang sigalot.
Kusa akong dumulog sa mga pulis para isuko ang sarili sa naganap na insidente na nagresulta sa aking pagkabilanggo.
Sa ngayon po dinadasal-dasal ko na lang na sana, mapatawad ako ni Lord at bigyan Niya ako ng tatag ng loob para malampasan kong lahat ang kanyang pagsubok.
Hanggang dito na lang po at more power to you.
Lubos na gumagalang,
Elmer
Dear Elmer,
Malungkot nga ang mabilanggo dahil malayo ka sa piling ng mga mahal mo sa buhay bukod pa sa inuusisa ka ng konsiyensiya sa pagkakapatay mo sa sadistang bayaw.
Mahirap talaga ang makialam sa away ng mag-asawa pero hindi maiiwasan lalo na’t nadedehado ang kapatid tulad nga nang nangyari sa utol mo.
Kaya lang, hindi dapat na mauwi sa paggamit ng armas ang paglutas ng problema. Puwedeng maiwasan ito kung naisuplong ang nasawi mong bayaw sa mga awtoridad nang nakikipaghiwalay na ang kapatid mo sa kanya. Battered wife ang tawag sa kaso ng utol mo at ang kaso ay puwedeng nai-report sa DSWD. Anyway, naganap na ang hindi inaasahan at ikaw ang nagdurusa dahil sa hindi inaasahang pangyayari.
Sikapin mong makapag-aral diyan sa loob para maging kapaki-pakinabang ang paghihintay mo na mapagsilbihan ang sentensiya sa iyo ng korte.
Good luck!
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o PSN Libangan 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa psnlibangan@ philstar.net.ph.)