Gabay ng Panginoon

Dear Dr. Love,

Magandang araw po sa inyo. Lagi kong binabasa ang column mo araw-araw. Kasi nagtitinda kami ng diyaryo, walang patlang. Lahat ng payo mo sa mga sumusulat sa iyo, sinasang-ayunan ko. Saludo ako sa iyo, Dr. Love.

Ako si Aling Naty, 68 years old. Ang asawa ko, si Mang Rod kung tawagin, 74 years old ay isa namang tricycle driver.

Nagdiwang na kami ng ika-40 wedding anniversary noong Abril 12, 2010 at ang dalangin naming mag-asawa ay maluwalhati naming sapitin ang ika-50-anyos naming anibersaryo o bloda de oro.

Ang sulat kong ito ay hindi humihingi ng payo sa problema, kundi isang pagnanais lang na mai-share ang karanasan ko sa buhay.

Hindi biro ang magpalaki ng walong anak. Pitong lalaki at isang babae.

Pero sa kabila ng karaniwan naming pamumuhay, maluwalhati naming napagtapos silang lahat at ngayon ay pawang may-asawa na.

Hindi pala hadlang ang pagiging mahirap para maitaguyod ang pagpapalaki ng mga anak sa maayos na paraan at lumabas na matitinong lahat.

Naniniwala akong ginabayan at biniyayaan kami ng Panginoong Diyos dahil sa simpleng pamumuhay, ni isa sa mga anak namin ay hindi man lang nakatikim ng sigarilyo, alak at pangbisyo.

Tatlo sa kanila ang narito sa bansa at may sariling pinagkakakitaan at ang iba naman ay nasa abroad.

Sa tulong ng modernong komunikasyon napapawi ang aking pangungulila sa kanila dahil kahit araw-araw ay puwede ko silang makita at makausap gamit ang makabagong teknolohiya.

Sa ngayon, abala kaming mag-asawa sa pagli­lingkod sa Panginoon. Labis ang pasasalamat namin dahil sa pamamagitan ng pagpapakalat ng salita ng Diyos, ibayong tuwa at grasya ang aming tina­tamasa sa Panginoon.

Kaya marahil pinagpapala kami dahil wala kaming anumang mabigat na karamdaman at never na nagkahiwalay.

Maraming salamat sa pagbibigay daan ninyo sa liham na ito para mabigyang inspirasyon ang marami ninyong mga tagasubaybay para magtiwala at mag-alay sila ng paglilingkod sa Panginoon.

Gumagalang,

Mrs. Natividad B. Loresco

005 Apo St. Marikina Vill. Subd.

Nangka, Marikina City

Dear Aling Naty,

Maraming salamat sa liham mo at sa inilahad mong karanasan sa buhay. Walang dudang matutu­pad ninyo ang minimithing pagsapit ng ika-50 anyos na anibersaryo ng inyong pag-iisang dibdib ni Mang Rod.

Masipag kayong mag-asawa, may takot at malaking pag-ibig sa Panginoon at suwerte rin kayo sa mga anak.

Tunay ang obserbasyon mo na hindi sagabal ang kahirapan para magtagumpay. Ito ay kung marunong magsikap ang isang tao, may tiwala sa Panginoon at hindi tumatalo ng sinumang tao.

Ang maganda ninyong ehemplo ay magsilbi nawang ehemplo sa mga tagasubaybay ng pitak na ito.

Mabuhay ka Aling Naty at masuwerte rin ang mga anak ninyo sa pagkakaroon ng mga magulang na tulad ninyo ni Mang Rod.

Dr. Love

(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o PSN Libangan 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa psnlibangan@ philstar.net.ph.)

Show comments