Dear Dr. Love,
Isa pong magandang araw ang ipinaabot ko sa inyo.
Ako po si Yumi, 15 years old. Unang beses ko pong nakipagboyfriend. Pero isang araw lang po ang itinagal ng relasyon namin. Nalaman po kasi ng lola ko.
Kinausap po ako at ang sabi po bawiin ko daw po ang “oo” ko dahil mas marami pa raw po akong makikilala kapag nag-college, na higit pa kay Paul. Lalo daw at maganda ako.
Kaya nagpasya akong sabihin kay Paul na maghiwalay na kami. Pumayag naman po siya nang walang pagdadalawang-isip. Nasaktan po ako, Dr. Love kasi wala man lang siyang ginawa para mapigilan ako sa aking desisyon. Tapos palagi pa po n’ya kong nilalayuan. Kinakausap ko po siya na parang walang nangyari pero hindi po niya ko pinapansin. Nakayuko lang po siya.
Bakit po siya ganun? Hindi po kaya niya ako mahal? Paano ba makalimutan ang taong lagi mong nakikita? Sana po matulungan ninyo ako. Siya po ang first love ko. Nahihirapan po akong makapag-move on.
Yumi
Dear Yumi,
Huwag mong masyadong seryosohin ang nararamdaman mo, dahil lilipas din ‘yan. Nasabi ko ito dahil lahat naman tayo ay dumadaan sa pagdadalaga o pagbibinata. At karamihan dito ay nagkaroon din ng kani-kaniyang first love. Pero hindi lahat ay nagkatuluyan. Gayunpaman ay masaya sa kasalukuyan nilang buhay.
Tama ang pagsunod mo sa lola mo, dahil malayo pa ang iyong lalakbayin sa buhay. Marami ka pang makikilalang lalaki along the way. At sa itinakdang panahon, makikilala mo rin ang nakalaan para sa iyo.
Sa ngayon, ang pagtuunan mo ng iyong atensiyon ay mga bagay na kapaki-pakinabang, halimbawa nito ay ang nalalapit na pasukan. Sa ganitong paraan ay mawawaglit siya sa iyong isip at later on mare-reliazed mo na lang na nakalimutan mo na siya.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o PSN Libangan 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa psnlibangan@philstar.net.ph.)