Tinabla ng kaibigan

Dear Dr. Love,

Isa pong masaganang pagbati sa inyo gayundin sa inyong mga mahal sa buhay.

Nais ko pong ipakilala ang aking sarili, ako si Joseph Benedict, 30 taong gulang, tubong Pampanga at kasalukuyang nakapiit sa pambansang bilangguan sa Muntinlupa City.

Frustrated murder po ang naging kaso ko na may hatol na mula apat hanggang sampung taong pagkabilanggo. Nag-ugat ito nang manghiram ako ng P15,000 sa aming lugar para maipahiram sa isang lumapit na kaibigan.

Pero matapos makuha ang pera ay nag­laho na rin ang kaibigan ko. Kaya ako ang nagdusa sa pagbabayad ng interes. Nagipit ako ng husto kaya napakapit sa patalim. Naka­saksak ako kaya kinuyog ng mga nakasaksi na siya ring nagpadampot sa akin.

Bunga nito, iniwan ako ng aking asawa tangay ang aming anak. Hindi ko po alam kung nasaan na sila ngayon.

Layon din po ng sulat ko na magkaroon ng mga kaibigan sa panulat dahil lubhang nalulungkot po ako sa aking pag-iisa. Wala po akong kilalang mga magulang o kamag-anak man lang dahil bata pa ako nang iwa­nan sa San Isidro, Magalang, Pampanga.

Maraming salamat po sa pagbibigay-daan ninyo sa liham ko at dalangin ko po na patuloy ang pagtatagumpay ng inyong column.

Gumagalang,

Joseph Benedict

1-C Student Dorm

YRC Bldg.

MSC Camp Sampaguita

Muntinlupa City 1776

Dear Joseph,

Mahirap talagang humanap ngayon ng tunay na kaibigan. Isang halimbawa ang nangyari sa iyo. Pero mali rin, na sinuklian mo din ang sinapit mo ng hindi maganda.

Pinakamaganda ay alalahanin mo ang leksiyon ng karanasang ito, pagdating sa pera tumulong lamang kung makakaya. At anumang kawang-gawa ay hindi dapat naghihintay ng kapalit.

Sana’y matapos mo ang pagsisilbi sa sintensiya mo at sikaping mapaunlad ang sarili habang nasa loob.

Dr. Love

Show comments