Dear Dr. Love,
Isa pong taos-pusong pagbati sa paborito kong kolumnista.
Tulad ng mga lumiham na sa inyong malaganap na pitak, nais ko po na mailathala rin liham ko sa pag-asang makarating ang mensahe nito sa babaeng minamahal at hinahangaan ko, si Rosie, na naging instrumento para sa aking pagbabago.
Itago mo na lang ako sa pangalang Marco. Bago ako nakulong, namamasukan ako sa isang fastfood restaurant pero dahil hindi sapat ang suweldo ko para maitaguyod ang apat kong mga kapatid, hinangad ko ang kumita nang malaki at sumama sa grupong nagtutulak ng shabu. Maganda sa simula pero unti-unting nanganib ang aming buhay dahil naging mainit kami sa awtoridad hanggang sa mapabilang ako sa mga naaresto.
Sa gitna ng kawalan, si Rosie ang tumulong sa akin para ituwid ang aking buhay at malapit sa Diyos. Ang kabutihan niya at iba pang katangian ang nag-udyok sa akin para ipinagtapat na ang aking damdamin para sa kanya.
Hindi man pumabor sa akin ang sagot niya, naging magaan naman ito dahil hindi niya ako hiniya. Mula noon ay hindi na siya nagbalik sa kulungan. Nahihirapan po akong limutin siya, Dr. Love.
Nais ko po sanang mabasa niya ito para maipaabot sa kanya kung gaano siya naging bahagi ng buhay ko. Gusto ko rin po malaman niya na sapat na sa akin ang laan niyang pagkakaibigan.
Maraming salamat po at God bless you.
Truly yours,
Marco Sandoval
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Marco,
Salamat sa liham mo. Natutuwa ako na hindi man pumabor para sa iyo ang damdamin ni Rosie, naging maganda naman ang lahat sa pagitan ninyo.
Sana ay ipagpatuloy mo ang magandang naging bahagi ni Rosie para sa iyong pagbabago. Ipagpatuloy mo ang iyong pag-aaral para mapaunlad ang iyong sarili habang sumasailalim sa pagrereporma. Pagbutihin mo ang iyong rehabilitasyon dyan sa loob para sa posibilidad na mapababa ang sintensiya laban sa iyo.
Good luck.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o PSN Libangan 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa psnlibangan@philstar.net.ph.)