Takot sa AIDS

Dear Dr. Love,

Mabiyayang pagbati ang hatid ko sa iyo. Dalangin ko rin na malayo ka sa ano mang problema at karamdaman.

Malaon mo na rin akong suki sa iyong kolum. Mangyaring ikubli mo na lang ako sa pangalang White Rabbit, isang matandang binata na 47-anyos.

Rabbit ang tukso sa akin ng mga amigo ko dahil ang rabbit ay simbolo ng pagiging aktibo sa sex. Mahilig talaga ako sa magagandang babae.

Pero may halong takot at pagsisisi ang nadarama ko ngayon. May nakatalik akong babae limang taon na ang nakalilipas na nabalitaan kong namatay kamakailan sa AIDS.

Kinakabahan ako ngayon at natatakot akong magpatingin sa doktor dahil baka nga kinapitan na ako ng HIV.

Ano ang dapat kong gawin?

White Rabbit

Dear White Rabbit,

Sa palagay mo ba ay kusang mabubura ang problema kung hindi ka magpapatingin sa doktor? Hindi. Baka mauna ka pang mamatay sa pangamba kaysa AIDS na iyong kinatatakutan.

Ang pinakamabuting gawin ay magpa-checkup ka upang malaman mo kung ano ang nararapat gawin sakaling lumabas na positibo ka sa sakit.

At kung lumabas na negative ka, eh di makakahinga ka na nang maluwag at siguro’y babaguhin mo na ang iyong sexual lifestyle.

Dr. Love

Show comments