Dear Dr. Love,
Isa pong magandang araw sa inyo at sa lahat ng mga bumubuo ng malaganap ninyong pahayagan.
Sikat po ang inyong diyaryo dito sa aming kampo. Hindi po ako sundalo. Isa po akong preso dito sa Camp Sampaguita sa pambansang bilangguan.
Kampo po kasi ang tawag namin dito sa aming kinabibilangang selda. Nakulong po ako sa kasong robbery hold-up.
Naglakas-loob po akong sumulat sa inyong column para maibahagi ko rin ang masaklap kong karanasan mula nang ako ay makulong.
Noon, mayroon akong kabiyak ng dibdib at mayroon kaming dalawang anak. Mula nang mahatulan akong makulong, hindi ko na sila nakita.
Noong una ay inaalo ko pa ang aking sarili na maaaring mayroon lang problema ang aking asawa o kaya’y lubhang abala sa pag-aalaga ng aming mga anak at paghahanapbuhay kaya hindi niya ako nadadalaw.
Pero kapag mayroon akong mga kakilala na nagagawa akong pasyalan sa kulungan at tinatanong ko ang aking pamilya, ang sagot nila sa akin, umalis na sila sa dati naming tirahan.
Ang pinakahuling balitang natanggap ko, mayroon na palang ibang kinakasama ang aking misis.
Nang malaman ko ang impormasyong ito mula sa isang pinsan, halos gumuho sa akin ang langit. Ayaw kong kumain at parang ayaw ko nang mabuhay pa.
Hanggang isang araw, niyaya ako ng isang kasamahan kong preso na dumalo sa Bible study. Dito nagsimulang mabuhay uli ang aking pag-asa bagaman hindi ko pa rin nalilimutan ang aking asawa at mga anak.
Sa pag-aaral sa wika ng Panginoon, naunawaan ko ang malaki kong mga kamalian sa buhay. Pilit ko ring inunawa ang aking asawa sa kanyang pagtalikod sa akin.
Dahil din sa pagbabalik-loob ko sa Diyos, sinisikap kong magbagong-buhay, magpakabuti at lagi kong hinihiling na sana’y mabigyan pa ako ng panibagong pagkakataon sa buhay.
Ang sabi ng Bibliya, mayroon pang bukas. Dumalangin ka at ikaw ay diringgin ng Panginoon.
Dr. Love, sana po, matulungan ninyo akong malimot ko ang mga kapaitan ko sa buhay. Payuhan mo po ako kung paano ako makatatayong muli sa dalawang paa ngayong wala na ang aking mag-iina.
Sana rin po, magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat. Sa ngayon po, nagbalik-eskwela ako para maisulong ko ang kaalaman sa buhay at mapagyaman ang aking isipan sa mga bagay-bagay na magagamit kong gabay sa sandaling makabalik na akong muli sa malayang lipunan.
Maraming salamat po at more power to your column and Pilipino Star NGAYON.
Lubos na gumagalang,
Mark Benjie Ninguna
4B Student Dorm,
MSC, Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Mark,
Salamat sa pagtangkilik mo sa pitak na ito at gayundin sa pahayagang PSN.
Alam mo, halos lahat na liham na natanggap ng pitak na ito mula sa mga kasamahan mo diyan ay nagsasabing iniwan sila ng asawa kundi man kasintahan.
Marahil, dala iyan ng kahinaan ng mga katuwang ninyo sa buhay na sa sandaling malayo na kayo sa isa’t isa, wala na silang masasandalang padre de pamilya kundi man dala ng pansarili nilang pangangailangan at kaligayahan.
Ang pagkakakulong ng isang asawa ay mayroong malaking epekto sa pamilya at para marahil matakasan ang kalungkutan sa pag-iisa, humahanap sila ng ibang masasandalang tatayong padre de pamilya.
Hindi naman natin nilalahat ang mga babae. Mayroon din namang ibang matiyagang naghihintay at nagsosolong binabalikat ang hirap ng pagdadala ng pamilya.
Marahil, kung may sariling pagkita ang isang babae o kaya’y mayroong pamilyang tumutulong sa kanila at nagpapalakas ng kanilang loob, malalabanan nila ang mga tukso at lungkot ng pag-iisa.
Kaya, marahil, unawain mo na rin siya. Ang pamilya mo ay mayroon ding binabalikat na epekto ng pagkakakulong mo lalo na sa mga bata.
Nakalulugod na nagbalik-loob ka sa Panginoon at sana’y ituluy-tuloy mo na ito kahit pa lumaya ka na sa bilangguan.
Ang kabutihang natutunan mo sa piitan ay babaunin mong alaala sa sandaling makabalik ka na sa laya.
Good luck to you.
Dr. Love