Dear Dr. Love,
Kumusta po kayo? Kumusta rin po sa lahat ninyong mga kasamahan sa malaganap ninyong pahayagan.
Bago ko po isalaysay ang masasaklap na bahagi ng aking buhay, nais ko pong magpakilala sa inyo.
Ako po si Bernard Lawas, tubong Tagbilaran City, Bohol.
Nawa’y kapulutan po ng aral ang aking naging buhay at kung bakit ako napiit sa pambansang bilangguan.
Nais ko rin pong bigyan ninyo ako ng mahalaga ninyong payo para magsilbing gabay sa aking pagtahak sa landas ng buhay.
Puro na lang kasi kasawian ang aking nararanasan at ni sa panaginip ay hindi ko man lang natikman ang tagumpay at kaligayahan.
Narito po ako sa kulungan sa kasong homicide sa pagtatanggol sa sarili.
Labindalawang taon gulang pa lang ako nang mamatay ang aking ama. Nasawi siya sa isang ‘‘hit and run’’ at hindi man lang nabigyan ng katarungan ang kanyang sinapit.
Wala kaming magawa noon kundi tanggapin na lang ang lahat dahil wala kaming testigo na siyang makapagtuturo sa may kagagawan ng pangyayaring ito.
Dahil sa pagkamatay ng aking ama, lalo kaming dumanas ng kahirapan sa buhay.
Dalawang taon pagkamatay ng aking ama, napilitan akong huminto ng pag-aaral para matulungan ko si Inay sa paghahanap-buhay.
Sa gabi, nagtitinda ako ng balot at sa araw, ako naman ang tumatao sa bahay para mag-alaga sa dalawang kapatid habang pumapasok sa trabaho ang aking ina.
Minsan, pag-uwi ng aking ina, may kasama siyang lalaki na nakaakbay sa kanya. Pagkakain ng hapunan, sinabi ng aking ina na ang lalaking yaon ang siya naming bagong tatay.
Nabigla ako sa kanyang sinabi. Nagalit ako at pinagsabihan ko ang aking ina. Doon niya sinabi sa akin na ako pala ay isang ampon.
Mula noon, naging tahimik na lang ako. Sinarili ko na lang ang aking mga problema.
Kalaunan, natanggap ko na rin ang aking kapalaran. Na ako ay napulot lang ng aking Itay sa aming bakuran at kanilang kinandili.
Hanggang nakakilala ako ng isang babae na siyang nagpatibok sa aking puso. Tinanggap niya ang alay kong pag-ibig. Pero hindi pa rin ako masiyahan.
Minsan, nagpaalam ang aking kasintahan para lumuwas ng Maynila at doon magtrabaho.
Ayaw ko mang magkalayo kami, pumayag na rin ako. Dinaan na lang namin sa pagsusulatan ang pangungulila namin sa isa’t isa.
Nang hindi na ako makatiis, minabuti kong lumuwas para dalawin ang aking nobya. Pero laking gulat ko nang makita ko siyang may dinadala sa sinapupunan. Hindi siya halos makatingin sa akin.
Gusto ko na sanang mamalagi sa Maynila para magtrabaho pero dahil sa kawalan ng pinag-aralan, hindi ako matanggap sa empleyo. Minabuti ko na lang umuwi sa probinsiya.
Habang naghihintay ng biyahe ng barko, naisipan kong kumain. Nataon namang mayroon tatlong lalaki na kumakain din. Nang sinisingil na sila ng tindera, nagalit pa sila.
Hindi ko mapigil ang makialam. Sinabi kong hindi pa nga sila nakakabayad. Sinapak nila ako pero ako’y nakatakbo.
Nang aabutan na nila ako, may nakita akong tubo at iyon ang ipinalo ko sa isa sa kanila.
Hindi ko sinasadya na sa ulo tamaan ang taong ito na siyang ikinamatay niya. Ito ang naging sanhi kung bakit ako nakulong.
Dito sa loob, sinisikap kong magpakabait at minabuti kong magpatuloy ng pag-aaral.
Nasa college na ako sa kursong B.S. Commerce.
Dr. Love, mayroon pa po ba akong magandang kapalarang tinatanaw? Bakit po puro na lang kasawian ang aking dinaranas?
Hindi ko kilala ang aking pagkatao, narito pa ako sa kulungan. Payuhan po ninyo ako.
Maraming salamat po,
Bernard Lawas
UPHSD College Dept.,
YRC, Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Bernard,
Habang may buhay, may pag-asa. Ang isang taong ngayon ay nasa kalungkutan ay may hinihintay na kaligayahan.
Dumalangin ka lang at gawin ang tama. Maging matiyaga at masipag. Hindi magtatagal, uunlad din ang buhay mo.
Ang kailangan nga lang ay makapag-umpisa ka. Huwag kang magsasawang manalangin sa Panginoon dahil Siya ang gagabay sa iyo.
Makakatagpo ka pa rin ng babaeng iibig sa iyo nang tapat. Alam kong mabait kang tao at balang araw ay magiging maayos din ang lahat sa iyo. Good luck and God bless.
Dr. Love