Dear Dr Love,
Ako po si James Caneja, 23 years-old, single, taga-Bagong Baryo, Caloocan City. Nakakulong ako sa pambansang bilangguan sa salang frustrated murder o bigong pagpatay.
Ang masaklap po nito, wala akong pagkakasala at napagkaitan ako ng hustisya dahil sa kawalan ng salapi para makapagdepensa sa kaso.
Iisa lang akong anak at nagsosolo na lang ang aking ina sa pag-aaruga sa akin.
Dahil sa pagkakakulong ko, nawalay ako sa aking ina, sa aking mga kamag-anak at kaibigan. Ang masakit pa nito, pati nobya ko nawala rin sa akin.
Hindi ko matanggap ang naging hatol sa akin lalo na nang mabalitaan ko na ang girlfriend ko ang siyang napangasawa ng kaibigan ko na siyang may kagagawan ng kaso na ibinintang sa akin.
Ako ay nilitis sa kaso at sa paniniwalang isa siyang mabuting kaibigan, hindi ko siya itinuro dahil ang alam ko, hindi niya ako pababayaan.
Ano ang iginanti niya sa akin? Inahas pala niya ang nobya ko.
Walang bahid ng anumang alinlangan ang tiwala ko sa kanya na hindi niya ako tatalikuran sa oras ng kagipitan.
Alam po ninyo, ang nangyaring ito sa akin ay halos siya ring mga nangyari sa iba pang bilanggo sa mga nabasa kong liham nila sa inyo.
Kaya tuloy naganyak akong lumiham din sa inyo sa paniniwalang hindi ako nag-iisa dahil kasama ko kayo sa pamamagitan ng pitak ninyong Dr. Love.
Ang hiling ko po naman sa inyo, sa pamamagitan ng inyong kolum, makatagpo sana ako ng mga kaibigan sa panulat.
Sana po, maunawaan nila ako.
Maraming salamat po at more power.
Gumagalang,
James Caneja
MSC 4-A, YRC Bldg.,
Camp Sampaguita,
Muntinlupa city 1776
Dear James,
Talagang mahirap panghawakan ang pangako. Mahirap ding humanap ng tunay na kaibigan na hindi ka tataluhin at ipapahamak.
Kaya kung makakatagpo ka ng tunay na kaibigan, ituring mo na siyang kapatid dahil sa hirap ngang humanap ng isang totoong tao na hindi ka tataluhin.
Kaya marahil ipinahamak ka ng kaibigan mo ay para agawin ang nobya mo.
Nagpagoyo ka naman at sinagot mo pa ang kanyang kasalanan.
Iisa lang ang mukha nilang dalawa ng nobya mo. Para sa katahimikan ng isip mo, patawarin mo na lang sila at idalangin na sana, maliwanagan din ang kasong kinasasangkutan mo para lumabas ang totoo.
Ito ay kung ipupursige mong pabuksan uli ang kaso at makakakuha ka ng isang witness na tatayo para sa pagiging inosente mo.
Hangad ng pitak na ito ang maaga mong paglaya at sana matuto ka nang humanap ng totoong kaibigan at matapat na nobya.
Dr. Love