Dear Dr. Love,
Hi and hello to you, Dr. Love. Ako’y isa sa libu-libo mong avid fans at lagi akong sumusubaybay sa iyong kolum na paborito kong basahin.
Umaasa ako na sa pagtanggap ng liham kong ito, ikaw ay nasa mabuting kalagayan. Sana’y maitampok mo rin ang sulat ko.
Tawagin mo na lang akong Verna, 18- anyos. Hindi mo naitatanong, maganda ako at maraming manliligaw.
Katunayan, 12 years-old pa lang ako ay nililigawan na ako dahil malaki ang aking bulas at dalagang-dalaga na kung tingnan.
Ang mother ko kasi ay isang Amerasian, half-American, half-Pinay kaya lumabas akong mestisa.
Hindi ko siniseryoso ang mga manliligaw ko. Minsan lang ako nagkaroon ng boyfriend pero hindi kami nagtagal dahil hindi nga ako seryoso sa relasyon.
Ngayon ay mayroon akong manliligaw. Anim na taon ang agwat namin. Siya ay 24-anyos at graduate ng Chemical Engineering. Parang tinamaan ako sa suitor kong ito. Pero ina-advice ako ng mga parents ko na tapusin ko muna ang pag-aaral ko.
Dapat ko na ba siyang sagutin kung alam ko at nakasisigurong in-love ako sa kanya?
Verna
Dear Verna,
Ang pag-aaral mo ay huwag mong sayangin dahil mas mahalaga iyan. Tama ang iyong mga magulang.
Ipaliwanag mo rin iyan sa suitor mo. Puwede mo siguro siyang sagutin pero may reservations. Pagplanuhan ninyong mabuti ang future kung talagang seryoso kayo sa isa’t isa.
Kung mahal ka niya talaga, handa siyang maghintay. Kaunting panahon lang naman iyan.
Dr. Love