Nadenggoy

Dear Dr. Love,

Nagpupugay ako sa iyo at sa lahat ng mga sumusubaybay sa popular mong pitak.Ako po si Irma, isang call center agent na 22- anyos. Tulad ng ibang sumusulat sa iyo, mayroon din akong problema sa pag-ibig na ibig kong ikonsulta dahil alam kong makatutulong ang iyong payo.Nagsimula ito nang makilala ko si Roger isang buwan na ang nakalilipas. Kasamahan ko siya sa trabaho. Niligawan niya ako at agad ko siyang sinagot.Hindi ko alam na may pananagutan na siya. Mukha kasi siyang binata dahil totoy na totoy pa ang itsura.Naibigay ko na once ang aking pagkababae sa kanya. Nalaman ko na may asawa na siya at isang anak nang minsang nag-leave siya.Tinext ko siya dahil tatlong araw na siyang hindi pumapasok. Nang mag-text back, nagtanong ng “Hu u?” Akala ko na-wrong sent pero sinagot ko pa rin. “Labs, c Irma 2” ang sagot ko. Nang muling sumagot ay sinabing “Asawa lang me ni Roger.” Para akong binuhusan ng malamig na tubig.Ang masakit, hindi na nagpakita si Roger mula noon. Lalong masakit na araw-araw akong inuulan ng text ng misis niya at pinagsasabihan ng masasakit na salita. Ano ang gagawin ko para malimutan ang masaklap kong karanasan?

Irma

Dear Irma,

Una sa lahat, magpalit ka na ng sim card. Pangalawa, ituring mo na lang ang mapait mong karanasan bilang aral sa iyo para huwag nang maulit ang nangyari sa iyo.Iyan ang epekto ng pagpapaubaya ng babae ng kanyang sarili sa kanyang nobyo. Palaging nasa losing end ang babae. Mabuti na lang at hindi ka nabuntis kundi lalong malaking problema. Umaasa rin ako na magsisilbing lesson ang kasaysayan mo sa ibang babaeng mapusok at agad-agad ipinauubaya ang sarili sa kanilang nobyo.Tandaan ninyo na ang pagkababae ay isinusuko lamang sa lalaki kapag kasal na.Next time, huwag ka nang magpapadenggoy.

Dr. Love

Show comments