Ibig nang mag-asawa

Dear Dr. Love,

Salamat sa pagpapaunlak mong mailathala ang liham kong ito. Kagaya ng ibang sumusulat sa iyo, may problema ako sa puso.

Siyanga pala, tawagin mo na lang akong Connie, 35-anyos at nagtatrabaho sa Dubai. May boyfriend ako sa Pilipinas.

Hindi mo naitatanong, ako lang ang nagtataguyod sa mga magulang kong matanda na at walang trabaho. May dalawa pa akong kapatid pero hindi naman nakatutulong sa mga magulang namin kahit may mga trabaho sila.

Nang unang magbalik ako sa Pilipinas, balak na naming magpakasal ng boyfriend ko. Walang tutol ang mga parents ko. Pero ang matigas ang pagtutol ay yung aking mga tiyo at tiya. Kahit pa lampas na ako sa tamang edad at malapit nang mawala sa kalendaryo, galit na galit sila nang sabihin ko ang planong pagpapakasal.

Hindi natuloy ang kasal at nagbalik ako sa Dubai. Sabi ko sa boyfriend ko, sa susunod na pagbabalik ko na lang namin ituloy ang kasal. Ngayon ay dalawang linggo na akong nasa Pilipinas at matigas pa rin ang pagtutol ng aking mga tiyo at tiya.

Ano ang gagawin ko?

Connie

Dear Connie,

Ano ang problema mo? Wala namang tutol ang mga magulang mo at ang humahadlang ay mga tiyo at tiya mo lang. Sige mag-asawa ka na.

Tama ka. Tumatanda ka na at karapatan mong magkaroon ng sariling pamilya. Huwag mong intindihin ang sasabihin ng mga kamag-anak mo. Basta’t huwag mo lang pababayaan ang iyong mga magulang na hindi na kayang magtrabaho dahil sa katandaan.

Pero tila unfair na kahit may kapatid kang may trabaho ay ayaw nilang tumulong sa inyong mga magulang. Kausapin mo sila. Matapos kayong kalingain ng inyong mga magulang, kayo naman ngayon ang dapat lumingap sa kanila.

Dr. Love

Show comments