Miss ko na si Inay

Dear Dr. Love,

Isa po akong mambabasa ng inyong pahayagan at kinasasabikan kong basahin palagi ang column ninyong Dr. Love. Kaya po naman ngayong mayroon akong problemang hindi magbigay sa akin ng katahimikan, kayo agad ang naisip kong sulatan para mabigyan ninyo ng mahalagang payo.

Dalawa po kaming magkapatid, ulila na sa ama at ang aming ina na siyang nagtataguyod ngayon sa aming magkakapatid ay wala rito sa bansa dahil isa siyang OFW sa isa sa mga bansa sa Asya bilang isang domestic helper.

Kaya ngayong wala na si Itay, kaming magkapatid na lang ang nagtutulungan, nagtatapatan sa isa’t isa ng aming mga problema dahil wala nga si Inay.

Noong buhay pa si Itay, kahit hiwalay sila ng aming ina, malaya kaming nakabibisita sa kanya at napag­sasabihan ng aming suliranin.

Ngayong patay na siya, ang damdam naming magkapatid, ulila na kami sa magulang.

May guilty feeling po ako dahil hindi maganda ang pagkakahiwalay ng aming magulang.

May sakit po si Itay (sakit sa baga) na nakuha niya   sa uri ng kanyang trabaho. Isa siyang pintor.

Ayaw ni Itay noon na umalis ang aming ina para mag­tra­baho. Pero nang magkasakit na siya, napilitang    mangibang-bansa ang aming ina at magtrabaho ng DH dahil wala kaming kakainin.

Hindi na makapagtatrabaho si Itay dahil sa karam­daman niya at ang kaunting nakukuha sa employees com­pen­sation ay sapat lang na pambili ng kanyang gamot.

Umalis si Inay. Kaming magkapatid ay sinadyang itina­boy ng aming ama para sumama sa kanya at manirahan sa aming lola para hindi kami mahawa sa kanya.

Hindi namin gustong iwan si Itay pero marahil, sinadya niyang laging initan ang ulo niya, bulyaw dito, bulyaw doon para iwanan namin siya.

Sinisisi ko si Inay kung bakit umalis siya at iniwanan ang aming ama. Pero sa isang dako, alam kong kailangan ang pagtatrabaho niya.

Nag-aral po kaming magkapatid, pero pahintu-hinto dahil hindi makayanan ng aming ina ang sabay na pagpapaaral sa aming dalawa. Payuhan po ninyo ako. Miss na miss ko na po si Inay.

Gumagalang,

Myrna ng Marikina

Dear Myrna,

Talagang ang mawalan ng magulang ay sadyang mahirap tanggapin. Sa kaso ninyong magkapatid, hindi pa naman kayo ganap na ulila. Mayroon pa kayong ina. Kaya nga lang, malayo siya sa inyo. Siguro, makabu­buting pag-usapan ninyong mag-iina kung ano ang dapat ninyong gawin ngayon para kumita.

Imungkahi mo sa iyong ina na mag-ipon muna kayo at magpundar ng maliit na negosyo at pagtulungan ninyo itong palaguin nang hindi na kailangan niyang umalis ng bansa. Huwag na muna sabay kayong pumasok   marahil ng inyong tindahan o kaya’y puwesto sa pa­lengke kasama ng inyong ina.

Umisip din kayo ng pagkakaroon ng hanapbuhay. Halim­bawa, sa halip na kumuha ng mga kursong pang­mayaman, kumuha na lang ng bokasyonal o teknikal na madaling hanapan ng trabaho.

Halimbawa, mag-aral ng pagkukulot, paggugupit at manicure para may sariling hanapbuhay.

Tulungan ninyo ang inyong ina para hindi masyadong mabigat ang dalahin niyang obligasyon sa pamilya.

Dr. Love


Show comments