Mahal kong Dr. Love,
Una sa lahat, let me first greet you and your millions of readers. Sana’y nasa mabuti kang kalagayan sa pagtanggap mo ng aking sulat. May limang taon na akong sumusubaybay sa iyong popular na kolum. Umaasa akong pauunlakan mong mailathala ang sulat ko.
Kung maaari’y huwag mong ilantad ang tunay kong katauhan. Itago mo na lang ako sa pangalang Ms. Libra, 33-anyos na ako sa susunod na buwan.
Masakit ang karanasan ko sa pag-ibig kaya hanggang ngayo’y hindi na ako nag-asawa. Dati akong nakipag-live-in sa lalaking inakala kong mamahalin ako pero after one year ay iniwanan ako’t sumama sa ibang babae.
Tatlong taon na ang nakararaan nang mangyari iyun. Kamakailan, isang common friend namin na lalaki ang nagsabing gustong makipagbalikan ng ex ko. Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko. Maski papaano’y may pinagsamahan kami at minahal ko rin siya.
Pero nararamdaman ko pa rin ang sakit na ginawa niya sa akin kaya nagdadalawang-loob ako. Dapat ba akong makipagbalikan o kalimutan ko na lamang siya?
Nahihirapan akong magdesisyon Dr. Love kaya sana’y tulungan mo ako.
Ms. Libra
Dear Ms. Libra,
Ikaw lang ang nasa lugar para mag-evaluate ng sitwasyon mo. Timbangin mo ang iyong damdamin at kung nangingibabaw ang sakit na nilikha ng kanyang pagiging salawahan, mas makabubuting kalimutan mo na lang siya.
At kung magpasya kang makipagbalikan, hindi magandang tingnan na magpapatuloy ka sa pamumuhay sa kasalanan. Kailangang magkaroon ng basbas ng Diyos ang inyong pagsasama. Ibig kong sabihin ay magpakasal kayo.
Pero dapat mo ring tiyakin na ang kanyang pagsasalawahan noon ay hindi na dapat maulit.
Dr. Love