Binabalikan ng dating boyfriend

Dear Dr. Love,

Kumusta sa paborito kong love advicer na si Dr. Love. I hope you’re in the best of health as you receive my letter at sana’y maitampok mo ang kasay­sayan ko sa pag-ibig. Medyo nakakahiya man ay minarapat kong sulatan ka at humingi ng payo sa problema ko. Sana’y huwag mong isiping matanda na ako’y kumikirengkeng pa.

Pakitago mo na lang akong sa alyas na Lily, may asawa at limang anak. Dalawa sa mga anak ko’y may asawa na pero kung titingnan mo ako, parang nasa forties lang ako kahit ako’y 51-anyos na. Nasa real estate business ako.

Hindi mo naitatanong, two years na akong biyuda. Na-stroke ang mister ko sa edad na 55 at sa ngayo’y mag-isa ko na lang itinataguyod ang pag-aaral ng dalawa ko pang anak.

Mayroong nanliligaw sa akin. Actually, isa rin siyang biyudo at naging boyfriend ko siya bago ko nakilala ang aking asawa. Kaya lang, napikot daw siya kaya hindi kami nagkatuluyan. Galit na galit ako sa kanya noon at kahit hindi ko masyadong labs ang naging mister ko ay sinagot ko at nagpakasal kami.

Gayunman, sa muli niyang pagbabalik, parang nabuhay muli ang pag-ibig ko sa kanya at naka­limutan ko na ang kanyang pagtataksil. Niyayaya niya ako na magpakasal. Tutal daw, balo na siya at lahat ng anak niya ay nasa Amerika na. Kaila­ngan daw niya ng kapartner dahil malungkot ang mag-isa.

Pero sa edad namin ngayon, parang nahihiya ako kung tatanggapin ko siya at magpapakasal kami. Ano na lang ang sasabihin ng mga anak ko?

Ano kaya ang maipapayo mo sa’kin?

Lily

Dear Lily,

Personal na desisyon mo iyan at may karapatan kang umibig muli lalo pa’t dalawa na lang sa mga anak mo ang nag-aaral. Gayunman, konsultahin mo sila. Alam kong mauunawaan nila ang kala­gayan mo. Ipaliwanag mo na darating ang araw na iiwanan ka nila at ayaw mong maiwang mag-isa. Wika nga ng Bible, hindi mabuti para sa tao ang nag-iisa.

Hindi ka pa matanda sa edad na 51 at sa palagay ko, kailangan mo talaga ng partner para pagdating ng araw at may asawa na lahat ang anak mo ay hindi ka nag-iisa. At marahil naman, tutu­lungan ka ng magiging asawa mo sa pag­ta­taguyod sa dalawa mo pang anak.

Walang masamang umibig muli kaya go for it.

Dr. Love


Show comments