Dear Dr. Love,
Greetings in the name of our Lord Jesus Christ.
Una po, nais kong batiin kayo ng isang magandang araw at gayundin ang lahat ninyong kasamahan sa PSN.
Isa po akong masugid na tagasubaybay ng inyong malaganap na column at nais ko pong ibahagi ang aking naging karanasan noong ako’y nasa malaya pang lipunan.
Dati po akong isang bus driver at sa hindi inaasahang pagkakataon, bigla na lang naganap ang isang trahedya na sa ngayon ay dinadala ko pa ang naging epekto sa buhay ko.
Isang matandang lalaki ang hindi ko inaasahang humarang sa aking daraanan at medyo mabilis pa ang takbo ng minamaneho kong sasakyan.
Hindi ko agad nagawang magpreno dahil sa pag-aakalang tatabi ang lalaking iyon dahil malakas akong bumusina para bigyan siya ng babalang tumabi sa kalsada.
Pero hindi umalis sa kinatatayuan ang lalaki kaya sumalpok siya sa harap ng bus.
Agad po akong sumuko pagkaraan ng insidente at ang lalaki ay dinala sa pagamutan under observation.
Fifty-fifty ang tsansa niyang mabuhay kaya nag-alala ako.
Hanggang nabalitaan ko na lamang na binawian na siya ng buhay.
Masakit para sa isang tulad kong driver na makadisgrasya ng tao.
Hindi ko po kagustuhan ang nangyari. Kaya ngayon, nakabilanggo ako.
Nais ko po sanang humingi sa inyo ng pabor. Nais ko sanang magkaroon ng mga kaibigan sa panulat para magkaroon ako ng inspirasyon sa buhay at malimutan ang masakit na bangungot na nangyari sa aking buhay.
Dalangin ko sana na lumawig pa ang inyong pitak at lumaganap pa ang inyong pahayagan hindi lang dito sa bansa kundi maging sa ibayong-dagat.
Maraming salamat po.
Gumagalang,
Victor Salamanca
MSC, Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
P.S.
Mayroon po akong mga kaibigan na nagnanais ding magkaroon ng mga kasulatan. Sila ay sina: Paul Valentin at Edward Galigaro, parehong taga-Dorm 217, Camp Sampaguita, Muntinlupa City 1776.
Dear Victor,
Palagi ang pagunita ng mga awtoridad na ang mga nagmamaneho ng transportasyong pampubliko ay dapat na maging maingat sa pagpapatakbo ng sasakyan at hindi dapat haluan ng pag-inom ang kanilang trabaho.
Nasa kamay ng isang driver ang buhay ng mga pasahero at gayundin ng mga pedestrian.
Kaya naman, kailangan ng mga tulad ninyo ang kaukulang pamamahinga bago pumasada para nasa kundisyon ang katawan lagi upang maganda ang disposisyon kung may mga hindi inaasahang insidente.
Tiyaga at linaw ng isipan ang kakambal ng pagmamaneho. Kaya dapat ding iwasan ang pagkakarera ng sasakyan at kahinahunan tuwina ang dapat na maging gabay.
Hindi natin sinasabi na lumabag ka sa mga alituntunin ng pagmamaneho. Mayroong mga pangyayaring hindi inaasahan na nagaganap tulad nga ng insidenteng kinasangkutan mo.
Hangad ng pitak na ito na malimutan mo ang trauma na dinanas dahil sa pangyayaring ito. Hangad din natin na magkaroon ka ng mga kaibigan na makakatulong para malimot ang bangungot na nangyari sa iyong buhay.
Dr. Love