Dear Dr. Love,
Bayaan mo munang kumustahin kita kasama na ang mga staffers mo sa Pilipino Star NGAYON at ang mga masugid na tagasubaybay ng Dr. Love.
Tawagin mo na lang akong Irma, 24-anyos at isang elementary school teacher.
Mayroon akong boyfriend. Isa lamang siyang 4th year high school student sa eskuwelang pinagtuturuan ko.
Akala ko’y maililihim ang aming relasyon. Pero sa hindi ko malamang dahilan, pinatawag ako ng aming principal at kinagalitan. Binantaan niya ako na matatanggal ako sa trabaho kung hindi ko puputulin ang relasyon ko sa aking boyfriend.
Nagsumbong pala sa principal ang mga magulang ng boyfriend ko. Four years lang naman ang tanda ko sa aking boyfriend at sa tingin ko’y walang masama kung magkaibigan man kami.
Mahal ko ang aking boyfriend at ayaw kong magkasira kami. Ano ang gagawin ko?
Irma
Dear Irma,
Mayroong protocol na sinusunod na nagbabawal sa mga guro na makipagrelasyon sa estudyante. Hindi kasi ito magandang halimbawa sa mga mag-aaral.
Marahil, pagsabihan mo muna ang boyfriend mo na lay-low muna kayo. Tutal, 4th year na siya at sa isang taon ay papasok na siya sa college. Kung magkagayon, puwede nang ituloy ang inyong relasyon.
Hindi naman kailangang makipag-break ka kung talagang kayo’y nagmamahalan. Just wait for the right and proper time.
Dr. Love